Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-48 na labas

“‘Wag ka nang pumalag, wala namang magta­tanggol sa’yo eh, kahit nandito pa ang Andrew na ‘yon hindi ka maipagtatanggol ng pilantod na ‘yon!”

Nagpanting ang teynga ko sa narinig kaya isang malakas na sampal ang iginawad ko sa pisngi ni Jab.

“Wala kang karapatang insultuhin si Andrew!”

Pareho kaming napatingin ni Jab kay Wilson na lumabas mula sa entrance ng building.

“Julia, may problema ba?” tanong ni Wilson.

Hindi agad ako nakaimik pero tumingin ako kay Jab. Dahilan iyon para iwanan ako ni Jab. Nilapitan ako ni Wilson at tiningnan niya ang papalayong si Jab patungo sa kotse nito.

“Ginugulo ka ba ng lalaking ‘yon?”

“Okay lang ako, thank you Wilson.”

Hindi pa rin tumigil si Jab kahit pinoprotektahan na ako ni Wilson. Maski sa pagpunta ko sa mall ay sinasamahan ako ni Wilson kung hindi available sina Edna at Kristine.

Nakarating kay Andrew ang balitang ‘yon nang hindi ko naman sinasabi sa kanya. Siguro isa mga kaibigan ko na concern sa akin ang nagparating no’n. Kaya gano’n na lang ang pag-aalala niya. Gusto na nga niyang umuwi pero pinigilan ko siya. Ang sabi ko gusto ko pagbalik niya rito ay makita ko siyang nakakalakad na.

Hanggang isang gabi…

“JULIA! LUMABAS KA DIYAN! MAG-USAP TAYO!”

Napabalikwas ako ng bangon. Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Jab na tila lasing na naman. Pinuntahan ko agad si Tita Bebet.

Nag-aalala kasi ako na baka nerbyusin siya.

“Tita Bebet!” tama ang kutob ko. Nakita kong nakasiksik ang tita ko sa isang sulok ng kama niya at nakatakip ang teynga.

Nilapitan ko siya at naupo ako sa tabi niya.

“Tita, don’t worry, kakausapin ko siya!”

Hinawakan ako ni Tita Bebet sa kamay para pigilan.

“‘Wag, ‘wag kang lumabas, magtago ka lang dito. Tingnan mo nga ang hitsura niya, nakaka­takot!”

“Sige po, tatawag na lang ako ng pulis.”

“May number ka ba? Nawala kasi ang number ng police station sa cellphone ko eh!”

“Hindi bale, tatawagan ko na lang po si Kristine, alam po niya ang number ng presinto.”

Kasalukuyan akong nagda-dial nang biglang makarinig kami ng malakas na kalabog sa salas.

“B-baka nabuksan niya ang pinto! Baka nakapasok na siya!”

Tama nga ang hinala ni Tita Bebet. Hindi ko alam kung anong klaseng pagbalya ang ginawa niya para mabuksan ang pintuan namin.

“Julia, mag-usap tayo, kausapin mo ko, sumama ka na sa’kin, magbabago na’ko!”

Hindi ko alam ang gagawin ko sa mga sanda­ling ‘yon. Nang sumilip ako sa pintuan ay nakita kong nasa labas siya ng pintuan ng kuwarto ko. At pumasok siya ro’n. Mabilis kong isinara ang pinto ng kuwarto ni Tita Bebet.

Nang sa wakas ay sagutin ni Kristine ang tawag ko saka ako nabuhayan ng loob.

“Help me Kristine, tumawag ka ng pulis, nandito si Jab sa bahay, ginugulo niya kami!”

“What? Nandito pa’ko sa trabaho, overtime ako, but don’t worry, I’ll call the police!” Nakita kong lalong ninerbiyos ang tita ko nang mismong pintuan na ng kuwarto niya ang kalampagin ni Jab.

“Tita, hayaan mo na akong lumabas, mag-iingat ako, pero ikaw dito ka lang, ‘wag na ‘wag kang lalabas kahit anong mangyari, please po?”

“Natatakot ako Julia, pero natatakot din ako para sa’yo baka saktan ka niya!”

“‘Wag po kayong mag-alala, susubukan kong daanin siya sa diplomasya.”

“Julia…”

Hindi na ako nagpapigil pa kay Tita Bebet.

“JULIA!”

Pagkakitang-pagkakita sa’kin ni Jab ay niyakap agad niya ko. Mahigpit na mahigpit. (Itutuloy)