Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-47 na labas

Hindi sumagot si Jab pero nakita ko sa mga mata niya ang pagsusumamo. Tinalikuran ko siya nang hindi kami nagkaintindihan. Ayaw niya kasi akong intindihin.

Kahit na madalas kaming mag-chat at mag-usap sa phone ni Andrew ay hindi nababawasan ang pagka-miss ko sa kanya.

“Natatakot ako para sa’yo, hon, baka kung anong maisipang gawin ng Jab na ‘yon lalo na’t wala ako diyan sa tabi mo…”

“Don’t worry, hindi naman niya ‘ko siguro sasaktan, saka mag-iingat naman ako para sa’yo.”

“Make sure, hon, kasi kapag nalaman kong may nangyaring masama sa’yo, baka hindi lang ako makalakad agad kundi makalipad pa ako papunta diyan!” biro ni Andrew.

Napangiti naman ako.

“O sige na, balitaan mo na lang ulit ako tungkol sa therapy mo.”

“Okay, I love you, hon, ingat ka mabuti ha.”

“I love you too, mag-ingat ka rin diyan.”

“Julia, natatakot na ako sa Jab na ‘yan ha, palagi na lang siyang nandiyan sa labas, parang nagmamasid lang, hindi natin alam kung anong tumatakbo sa isip niya,” sabi ni Tita Bebet nang mapasilip ito sa bintana at makita si Jab na nakatayo sa gate.

“Hayaan n’yo ho siya, sinabihan ko kasi ‘yan na ‘wag nang magpunta rito, kaya ayan nasa labas na lang siya.” Kinuha ko ang magazine at naupo ako sa sofa.

“Naku e, nakakasiguro ka bang tatayo lang siya diyan palagi at walang gagawing masama? E ‘di ba nga dati nag-drugs ‘yan, anong malay mo kung nagda-drugs ulit ‘yan ngayon? Mabuti pa siguro e tumawag na tayo ng pulis?”

“Tita, relax ka lang, kung gagawa siya ng masama e ‘di lalo akong nagalit sa kanya, ayaw naman niya siguro ‘yon.”

“Hay naku, ewan ko sa’yo, basta ako hindi ako komportable na nakikita ko ang lalaking ‘yan dito sa paligid natin. Kung matinong tao siya, sana natanggap na niya na hindi na siya ang mahal mo.”

Related Posts

May point naman si tita sa sinabi niya. Bigla tuloy akong nakaramdam ng takot. Lalo na nang bumalik sa isip ko ang pagtatangka sa’kin dati ni Jab.

Nang pumasok na sa kusina si Tita Bebet ay marahan akong humakbang palapit sa bintana at dahan-dahan din akong sumilip mula sa kurtina. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong wala na siya roon.

Hindi ko na lang sinabi kay Andrew ang madalas na pagsunud-sunod sa akin ni Jab. Ayoko kasi na dagdagan pa ang pag-aalala niya.
On air.

“Okay dumako naman tayo sa ating mga greetings, of course uunahin ko nang batiin si Mr. Blue Moon, hi there hon, hope you’re still doing okay. Hindi lang ako ang naghihintay sa pagbabalik mo kundi pati ang ating mga listeners.”

Pauwi na ako nang mapatigil ako sa paglalakad patungo sa abangan ng taxi. Hinarang kasi ako ni Jab.

“Jab, a-anong ginagawa mo rito?”

“Hanggang ngayon ba nagta-taxi ka pa rin?”

Nahalata ko na parang nakainom si Jab sa paraan ng pagsasalita niya at naamoy ko rin ang alak nang humakbang pa siya palapit sa akin.

“Lasing ka, umuwi ka na.”

“No, hindi ako lasing, nakainom lang, naisipan ko kasing dumaan muna sa bar at uminom ng konti bago kita sunduin at ihatid sa inyo.”

“Jab, please, kung ayaw mong maging magkaibigan na lang tayo leave me alone!”

“Leave you? Ayoko nang gawin ‘yon, hindi ko na gagawin ‘yon, I’m here to stay!”

Pinara ko ang padaan na taxi nang bigla akong hawakan ni Jab sa braso.

“I told you, ihahatid kita! Doon nakaparada ang car ko, let’s go!”

“Bitiwan mo nga ako!”

Pero lalo pang hinigpitan ni Jab ang paghawak sa braso ko. (Itutuloy)