Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-45 na labas

Dahil doon ay hindi ako nakatulog nang gabing ‘yon. Nakakalungkot isipin na ngayon pa lang kami nagkakasama ulit ng masaya at walang problema, heto’t gusto na naman kaming paghiwalayin ng tadhana…

Pero kailangan ko pa rin gawin ang tama, lalo na at para sa ikabubuti niya ‘yon.

Sa muling pagbisita ko kay Andrew ay napansin niyang malungkot ako.

“Hon, may problema ka ba?” tanong niya habang inaalalayan ko siya sa pagpapraktis sa pag­lakad.

“H-ha? Wala…”

“Talaga? E ba’t ganyan parang ang lungkot mo?”

“Wala nga…”

Tumigil sa paglakad si Andrew at inalalayan ko siyang maupo sa sofa.

“Alam mo, mula nang bumalik ka sa buhay ko, bumalik na rin ‘yung kumpiyansa ko, ‘yung tiwala ko sa sarili, ‘yung dating pananaw ko sa buhay…kung mawawala ka ulit, hindi ako sigurado kung makakaya ko pa…”

“Bakit mo sinasabi ‘yan?” tanong ko.

“Kahapon dumating si Doctor…ang sabi niya nagkausap raw kayo sa elevator…”

Naupo ako sa tabi ni Andrew.

“Oo.”

“Kung gano’n siguro kinumbinsi ka rin niya, tungkol sa pagpunta ko sa America?”

Huminga ako nang malalim bago ako muling nagsalita.

“Drew, syempre ayokong magkalayo ulit tayo, kasi masaya na tayo e…pero kung ito ang makakabuti para sa’yo, bakit hindi mo subukan?”

“Julia, kung habambuhay na ba ‘kong hindi makalakad, mamahalin mo pa ba ‘ko?”

Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ko.

“Anong klaseng tanong ‘yan? Nu’ng unang beses na iniwan kita, mababaw lang ang dahilan, dahil lang sa sinasabi ng iba na baduy ka, nerd, walang kuwenta, may sariling mundo, at pera lang daw yata ang nagustuhan ko sa’yo…pero nang mawala ka sa ‘kin, hindi ko alam na gano’n na pala kalalim ‘yung pagmamahal ko sa’yo…malalim pa sa dagat…kaya ngayon. Hindi kita iiwan kundi rin lang kasinglalim ng pagmamahal ko sa’yo ang dahilan…”

“Hon…anong ibig mong sabihin?”

Hinawakan ko ang mga kamay ni Andrew.

“Iwan mo ‘ko…iwan mo ko at ipinapangako ko sa’yo na hihintayin ko ang pagbabalik mo.”

“Julia!”

“Gawin mo ‘to para sa sarili mo, para sa ating dalawa.”

Niyakap ako ni Andrew. Hindi ko alam kung napapayag ko siya. Hindi kasi siya sumagot ng oo o hindi, basta niyakap na lang niya ako at niyakap ko rin siya.

“Mahal na mahal kita, Julia…”

“Mahal na mahal rin kita…”

Araw ng pag-alis ni Andrew. Napabalikwas ako nang mapatingin ako sa alarm clock na nasa ulunan ko.

“Hala ba’t hindi nag-alarm!” dali-dali akong bumangon at nagpunta sa banyo para ayusin ang sarili. Pumipili na ako ng damit na susuotin ko nang kumatok si Tita Bebet.

“Tuloy ka, tita!” (Itutuloy)