Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-41 na labas

Humugot ng malalim na hininga si Andrew bago niya sinagot ang tanong ko.

“Natalo ako eh…naduwag ako… sa loob ng ilang taon na pagtatago ko, wala akong ­ginawa kundi pagsikapan na makalakad ako ulit… ­papunta sa’yo…”

“Drew, ang tagal, ang tagal-tagal kong nag­hintay sa pagbabalik mo…”

Natigilan si Andrew.

“Hinintay mo ang pagbabalik ko? Pero ‘di ba nu’ng huli tayong mag-usap…”

“Oo alam ko binigo kita, kasi hindi pa’ko ­sigurado sa nararamdaman ko noon, pero nang mawala ka doon ko na-realize kung gaano ka ­kahalaga sa’kin!”

Tinitigan ako ni Andrew sa mga mata ko.

“Ngayong nakita mo na ulit ako, tingnan mo ako Julia, maipagmamalaki mo lang ako sa radyo, ang tinig ko lang, pero kapag nakita nila ako, siguradong pagtatawanan nila ako! Ngayon sabihin mo sa’kin kung nagsisisi ka na ba sa paghihintay sa’kin?”

Matagal bago ako sumagot.

“Hindi. Handa kong ipagmalaki ka kahit ano pa man ang kalagayan mo ngayon. Handa kong isigaw sa mundo na mahal kita, mahal na mahal kita.”

Hinawakan ni Andrew ang kamay ko at ­masuyong hinagkan.

“Mahal na mahal rin kita Julia…mula noon, hanggang ngayon, walang nagbago…” umiiyak niyang sabi.

Inaya ako ni Andrew na sumama sa condo kung saan siya tumitigil ngayon. Habang sakay kami ng kotse kasama ang driver niya ay patuloy kami sa pagkukuwentuhan.

“Walang anak si Dr. Alfonso, kaya itinuring na niya akong anak. Actually pinag-aral niya nga ako, pero home school lang ang pinili ko, ­gusto ko pa ring maging engineer balang araw…sa isang ­resort sa Laguna talaga siya nakatira, pero pina­yagan niya akong mag-stay sa condo na pag-aari rin niya. Ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa’yo at naintindihan naman niya ‘yon.”

“Masuwerte ka at nakatagpo ka ng mabait na tao tulad niya. Pero alam mo, una ko palang nari­nig ang boses mo naghinala na talaga ko, kaya ­tuwing maririnig ko si Mr. Blue Moon para na rin kitang naririnig at hindi nga ako nagkamali, tulad rin nu’ng makita kita sa labas ng building…”

Napangiti si Andrew.

“Sorry ha, natakot kasi akong makita mo that time.”

Ilang saglit pa at nasa loob na kami ng ­condo niya.

“Kuya Harold, salamat, iwan mo na kami.”

Si Harold ang driver na umaalalay rin kay ­Andrew habang nasa Manila siya. At ang sabi ni Andrew nandito raw sa Manila ang pamilya ni Kuya Harold kaya doon muna ito tumutuloy. ­Tinatawagan na lang niya kapag may lakad sila.

“Anong gusto mong kainin Julia?”

“Wala. Gusto ko lang na magkuwento ka pa sa mga nangyari sa’yo sa loob ng mga taon na ­lumipas.”

“Bago ako, ikaw muna, interesado akong ­malaman ang mga nangyari sa’yo.” (Itutuloy)