Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-4 na labas

“Ramon, kailangan ba talagang pag-usapan ‘yan dito sa hapunan?”

“O, e saan at kailan ba dapat pag-usapan?”

“Nay, tay, okay lang po…tama naman po si tatay, nandito po ako para subukang kalimutan ‘yung nangyari…pero ngayong bakasyon lang naman po, babalik din po ako sa Maynila sa pasukan…”

“Anak, ang sa akin lang, wala ka namang dapat kalimutan eh, nangyari na ‘yon at hindi mo kagustuhan ‘yon, kahit tumanda ka na mananatili sa isip mo ‘yon, maliban kung mag-ulyanin ka na, pero alam mo kung anong dapat mong gawin?

Tanggapin mo lang na nangyari ‘yon, tapos!” payo ni tatay sa pagitan ng pagsubo niya ng kanin.

May punto naman si tatay. Kaya lang hindi naman gano’n kadaling tanggapin na wala kang nagawa para iligtas ang pinakamalapit mong kaibigan.

Lalo na at sinabi niya sa’yo na ayaw niyang sumama sa outing dahil masama ang pakiramdam niya, pero pinilit mo pa rin siya…na ayaw niyang lumusong sa tubig pero i­nengganyo mo pa rin siya…tapos mapapabayaan mo lang pala siya sa gitna ng kapahamakan…hanggang sa agawin siya sa’yo ng kamatayan…

“Excuse me po…” pagkasabi niyon ay tumayo ako at pumasok sa kuwarto. Nakita ko pang nagkatinginan sina nanay at tatay pero hinayaan na lang nila ako.

Malalim na ang gabi nang mapabalikwas ako dahil sa isang panaginip. Napanaginipan ko na naman si Melody!

Malinaw kong nakita ang ma­lungkot niyang mukha. Nakatitig lang sa’kin.

Bumangon ako at lumabas ng kuwarto. Sa maliit naming balkonahe naisipan kong maupo habang nagkakape.

“Anak, lalo kang hindi makakatulog niyan sa kape,” si nanay habang palapit sa akin.

Related Posts

“Nay, ba’t gising pa po kayo?”

“Tinapos ko kasi ‘yung tinatahi ko, marami kasi akong tanggap na tahiin ngayon eh. Ikaw bakit gising ka pa, iniisip mo ba ang problema mo?”

“N-napanaginipan ko na naman po siya nay…”

“Pa’nong hindi mo siya mapapanaginipan, e palagi mo siyang iniisip…ituon mo sa ibang bagay ang isip mo at ipagdasal mo na lang siya…”

“Gusto ko naman po, pero bakit gano’n, hindi ko siya maalis sa isip ko?…”

Niyakap ako ni nanay. Sa yakap na iyon ramdam na ramdam ko ang simpatiya niya sa akin.

“Nakuwento mo sa akin na naging matalik mong kaibigan si Melody, naging mabuti siya sa’yo sa lahat ng panahon na pinagsamahan niyo, kaya nasisiguro ko na alam niyang hindi mo gusto ‘yung nangyari sa kanya kaya ipanatag mo na ang loob mo…”

“Pa’no ko mapa­panatag nay, kung galit sa akin ang mga magulang niya? Pati ‘yung ibang mga kaibigan namin…” sabay kalas ko sa yakap ni nanay.

“Ipagdasal mo na lang na maintindihan at mapatawad ka na nila, pero hangga’t hindi pa dumara­ting ‘yung panahon na ‘yon, ‘wag mo namang hayaang mabuhay ka sa kalungkutan.

Marami pa namang dahilan para ma­ging masaya ka ulit…tulad ni Andrew…”

“Nay! Ba’t naman nasingit si Andrew sa usapan natin? Saka ‘di ba ayaw niyo sa kanya?” kunot-noo kong tanong.

“Oo, dati, pero alam mo anak, sa mga panahon na wala ka dito, nakita ko kung gaano ‘yung sinseridad niya at pagmamahal sa’yo.”

“Po?”

“Palagi siyang duma­dalaw dito sa bahay para kumustahin kami, tulungan sa mga pinagdaanan naming problema at saka hindi rin siya nagsasawa na alamin ang kalagayan mo doon sa Maynila.”