Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-39 na labas

“Gano’n po ba? Sige po ite-text ko na lang sila.”

Habang naka-leave pa’ko at nagpapahinga sa bahay ay nagbasa ako ng mga messages ng mga listeners ko sa fb. Sa dami ng nag-get well soon sa’kin sobrang gumaan ang pakiramdam ko. Pero sa dami nila ay wala man lang akong nakita ni isang mensahe mula kay Mr. Blue Moon. Kaya naisip ko, hindi talaga siguro siya nagke-care para sa’kin, baka napilitan lang siyang pumayag sa tambalan namin on air for the sake of my work.

Nang fully recovered na’ko ay inihanda ko na ulit ang sarili ko sa pagbalik sa trabaho. At ini­handa ko na rin ang sarili ko sa sermon ni Mr. Lee dahil Valentine’s day na mismo at wala akong ­resultang maibibigay sa kanya tungkol sa amin ni Mr. Blue Moon tulad ng inaasahan niya.

“Hi Julia! Welcome back! Happy Valentines!” bati ni Edna na nakasalubong ko sa lobby.

“Happy Valentines din!”

“Happy Valentines, Julia, mabuti’t nakapasok ka na, aayain sana kitang mag-date pero mukhang may date ka na, nasa booth, waiting for you!” bati rin ni Wilson na nakasabay ko naman sa elevator.

Nagulat ako sa sinabi ni Wilson.

“Sinong nasa booth?”

“Someone special mo, at may dalang pagka­rami-raming bulaklak, akala ko nga kanina naligaw ako nang pumasok ako sa booth akala ko nasa flower shop ako eh!” natatawa pang sabi ni Wilson.

Pagkarami-raming bulaklak? Isang tao lang ang naisip ko na pwedeng gumawa no’n, malamang si Jab! Siya lang naman ang mahilig magbigay ng bulaklak e. Grabe, ayaw talaga niyang sumuko, hanggang sa loob talaga ng booth ko!

Pagbungad ko sa booth ay nakaupo sa isang wheelchair na nakatalikod sa pintuan ang ­bisita ko. Lumakas ang kabog ng dibdib ko at ­bumilis ang tibok ng puso ko. Nang mamalayan niya ang pagpasok ko ay unti-unti niyang iniikot ang wheelchair paharap sa akin.

Biglang nangilid ang mga luha sa mata ko nang mapagsino siya. Tumingin ako sa mga paa niya.

“A-ANDREW?…buhay ka!”

Hindi nakapagsalita si Andrew. Nangingilid din ang mga luha niya. At nauna pa itong pumatak kaysa sa akin. Magkahalong lungkot at saya ang nakita ko sa mukha niya. Mula sa likod ng salamin na suot niya sa mata ay patuloy na umagos ang mga luha. Nilapitan ko siya at niyakap.

“Drew, I miss you so much…”

“Dadalawin sana kita sa ospital pero nalaman kong okay ka na kaya hinintay ko na lang ang araw na ‘to para sorpresahin ka…”

Niyakap din niya ako. Kapwa namin ­dinama ang mga sandaling iyon na alam kong pareho naming hinintay nang matagal. Hindi ako makapaniwala.

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at naupo sa tabi niya.

“Ang dami kong tanong, hindi ko alam kung anong uunahin ko…”

“I guess itatanong mo sa’kin kung anong ginagawa ko rito, kung bakit ako naka-wheelchair?”

“Oo, pero bago ko itanong kung paano ka naka­balik, gusto ko munang malaman kung paano ka nawala…at saan ka napunta?”

Bago pa makasagot si Andrew sa tanong ko ay biglang pumasok sa booth si Mr. Lee.

“Oh nice meeting you, Mr. Blue Moon!” sabay lapit at nakipagkamay si Mr. Lee kay Andrew.

“Nice to meet you rin po, sir!” nakangiti ring bati ni Andrew sa station manager namin.

“Mr. Blue Moon?” Kahit umasa ako na sana ay si Andrew nga si Mr. Blue Moon ay nabigla pa rin ako sa katotohanang iyon.

“Yes, Julia, siya si Mr. Blue Moon, pero mukha namang magkakilala na kayo kaya iiwan ko na muna kayo, I will talk both of you after the show.”

Hindi pa kami nagkakausap ni Andrew, pero kailangan ko nang mag-on air kaya naman hina­yaan ko na lang muna siya sa tabi ko at gawin ang trabaho ko.

“Good evening my dear listeners, I’m back! Happy Valentines!” sinadya kong lambingan ang boses ko sa unang beses nang muli kong pag-ere matapos ang pagkakasakit ko.

“Super duper ko kayong na-miss, kaya naman bilang pambawi sa pagkawala ko ng ilang araw, well meron lang naman akong surprise na alam kong ikasisiya natin pare-pareho! Guess who’s beside me right here, right now! Naku, naku, naku syempre ire-reveal ko ‘yan after lang ng kanta na patutugtugin ko para sa inyo!”

Habang nakasalang ang isang awitin ay muli kong hinarap si Andrew. (Itutuloy)