Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-34 na labas

“Hindi naman anak, ito lang si Lia ang nahirapan, panay suka hindi kasi sanay sumakay ng bus!” sabi ni nanay.

“Ate ang layo pala nitong kina Tita Bebet, saka ang laki pala ng bahay n’yo dito!” singit ni Bob habang ang mga mata ay lumilinga sa paligid.

“Ate Biday magpahinga muna kayo habang naghahanda ako ng almusal,” sabi ni Tita Bebet.

“Oo nga po, nay, tutulungan ko lang si Tita Bebet sa kusina tapos magkuwentuhan po tayo mamaya!”

“Oo sige, kailangan muna talaga naming magpahinga, nakakapagod ang biyahe!”

Habang nagluluto kami ni Tita Bebet ng almusal na sinangag, itlog at hotdog ay napansin ni Tita Bebet ang kakaibang glow sa mga mata ko.

“Mukhang reding-ready ka na sa party mo mamaya ha!”

“Kung hindi nga lang po mapilit itong si Kristine na punong abala sa lahat naku e, wala naman ho talaga akong party, tita!”

“E okay naman, ‘di ba, at least nakasama mo ulit ang buong pamilya mo!”

“Kunsabagay po, kaya nga po ang saya ko ngayon eh.”

“Tama lang naman na mag-celebrate ka ngayon ng birthday mo, ni minsan hindi mo pa ginawa ito, ni pansit ayaw mong maghanda, kakaisip mo dun sa ex mo na nawala, ‘di ba?”

“Tita!”

Deep inside ay totoo naman ang sinabi ni Tita Bebet. Mula nang mawala si Andrew naging color­less talaga ang buhay ko. Muntik na nga akong mawalan ng gana sa pag-aaral. At marami rin akong laban sa swimming na naipatalo. Parang lahat ng bagay ang hirap gawin. Ngayon lang tila bumabalik ang kislap sa buhay ko sa pag-asang muli kong makikita si Drew.

Maraming bisita ang dumating. Ang mga dati kong classmates at prof sa college, mga old at new friends, mga kasama ko sa trabaho at kapwa ko DJ, pati ang mga boss ko. Bigla ko tuloy na-miss si Melody. Kahit hindi siya nawala sa puso’t isipan ko, mas hinahanap ko siya sa pagkakataong ito na nagkatipon lahat ng malalapit sa akin. At syempre pa si Andrew…punumpuno ako ng pag-asa sa nalalapit naming pagkikita.

Pero patapos na ang party ay hindi pa dumarating ang misteryosong nagpapadala ng mga bulaklak.

“Darating pa kaya siya?…” tanong ko sa isip ko.

Lumapit sa akin si Kristine.

“Ang hinihintay mo, coming!” pabulong pero kinikilig niyang sabi.

“Ano?” abot-abot ang kaba ko dahil sa sinabi ni Kristine.

“Anong ano? Nandiyan na siya nasa labas, tara!” sabay hila sa akin ni Kristine.

Lumabas kami ng bahay. Isang lalaking nakatalikod ang dinatnan namin.

“Friend iwan na kita rito ha, keri mo na ‘yan!”

“O-oo sige…”

Hindi pa humaharap ang lalaki kaya humakbang ako palapit sa kanya. Pero bago pa man ako makalapit ay humarap na siya sa akin. Sa pagharap niya ay nagbalik lahat ang alaala na sumugat din sa puso ko noon. Nang matuklasan ko ang pagda-drugs niya at nu’ng iniwan niya ako nang pumunta siya sa America.

“JAB!” ang puso kong lubos na umasa ay muling nabigo.

Huminto ako sa paghakbang kaya siya na ang humakbang palapit sa akin hawak ang bouquet ng pulang rosas.

“Happy birthday my love!” isang saglit na yakap ang iginawad niya sa akin.

“T-thanks…”

“Nasorpresa ba kita?” tanong ni Jab.

“Ikaw ang nagbibigay sa’kin ng mga bulaklak?”

“Yes, it’s me! Hindi mo man lang ba ‘ko patutuluyin bago tayo magkuwentuhan?”

“S-sige pasok ka!

Matapos kong ipakilala si Jab sa mga kaibigan kong hindi pa nakakakilala sa kanya ay naupo kami sa isang table at doon nag-usap. (Itutuloy)