Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-33 na labas

“Babalikan po natin si Mr. Blue Moon maya-maya lang but for now let me play this song, isa po ito sa mga favorite songs ko, na sana ay paborito n’yo rin, Until I fall inlove again.”

Sinubukan ulit kontakin ng P.A. ko si Mr. Blue Moon pero nag-busy ang phone nito.

Kinabukasan ay binisita ako ni Kristine sa bahay. Sa bahay pa rin ako ni Tita Bebet nakatira. Nakiusap kasi sa’kin si tita na ‘wag ko siyang iiwan dahil kami na nga lang dalawa ang magkasama. Pero kahit hindi siya makiusap wala naman talaga akong planong iwan siya dahil iyon din ang bilin ni nanay.

“O anong nakain mo at naisipan mo akong dalawin?” nakangiti kong tanong.
“Hindi ako busy sa office ngayon eh, saka gusto kong malaman kung anong plano mo sa 25th birthday mo!”
Magkatabi kaming naupo sa sofa.

“Wala akong plano para sa birthday ko, ang plano ko umpisahan na ang pagpapagawa sa bahay namin do’n sa probinsya saka ‘yung maliit na puwesto ng tahian ni nanay sa loob rin ng bahay, tapos no’n mag-iipon naman ako ng bago para sa sari-sari store ni tatay para hindi na siya mamasada. Gusto ko kasi pareho na lang sila sa bahay nagtatrabaho ni nanay para hindi na sila mahirapan.”

“Naku, naku, naku, ikaw na nga ang dakilang anak, ikaw na nga ang nagpapaaral sa mga kapatid mo, ‘di ba?”

“Hindi sapat ‘yon, sobrang hirap ang tiniis nila nanay at tatay para makatapos ako, saka si Tita Bebet, kaya ang gusto ko buong buhay akong babawi sa kanila.”

“Nasasabi mo lang ‘yan kasi wala ka pang sariling pamilya pero okay naman, saludo naman ako diyan sa maganda mong plano para sa pamilya mo pero girl, please.

Magplano naman tayo para sa party mo. Gusto mo mag-organize ako ng isang party para sa’yo, kahit dito lang sa house ni Tita Bebet. ‘Di ba malawak naman ‘yung place sa likod, ‘yung da­ting dirty kitchen?

Ayusan natin ng bonggacius tapos iinvite natin lahat ng mga new friends and old friends mo, isama nila pati mga other friends nila, malay mo ma-meet mo ro’n ang true love mo!”

“Wow, bongga ng plano mo pero feeling ko bumalik na sa buhay ko ang true love ko!”
Napasimangot si Kristine sa sinabi ko.

“Sino, si Mr. Blue Moon? Payong kaibigan lang ha, ‘wag ka masyadong umasa, maraming magkaboses sa mundo, i-meet mo na kasi para ma-stop na ‘yang ilusyon mo!”

Related Posts

“Don’t worry, pinag-iisipan ko na ‘yan!”

Sa muli kong pag-ere sa radyo ay hindi nababawasan ang excitement sa puso ko. Lalo na kapag nababasa ko ang mga messages ng mga listeners ko.
“DJ Blue Rose, sana totohanin mo ang sinabi mo na mag-meet kayo ni Mr.Blue Moon! Feeling ko destiny talaga kayo!”

“DJ Blue Rose kung magiging possible ang date n’yo ni Mr.Blue Moon sana ay i-post mo ito sa fb mo para naman makita rin namin ang looks niya at para kiligin rin kami tulad mo!”

Ang dami ko pang binasang mga messages na nagpangiti sa’kin.

“Okay mga listeners, hanggang diyan na lang muna po ang babasahin natin, pero sa mga hindi ko pa po nabasa wait-wait lang po kayo ha.

Anyways, thank you so much po sa suportang ibinibigay n’yo sa pumapag-ibig na tambalan namin sa radyo ni Mr.Blue Moon, hopefully nga po ay matuloy ang aming dream date. Asap!”

Kahit ayoko ay pinagpilitan pa rin ni Kristine na makapag-organize siya ng isang party para sa birthday ko. Isang araw bago ang birthday ko, muli akong nakatanggap ng bulaklak, malaking card ang kasama nito.

“Pagkatapos mong basahin, pakilagay na lang sa table ko ‘yung bulaklak ha, dating gawi akin na lang!” singit ni Edna habang binubuklat ko ang card.

Kinabahan ako sa nilalaman niyon.” See you  on your 25th birthday…” kinabahan ako dahil makikita ko na siya…sana siya nga…
“Andrew…” napapikit ako sa isiping iyon at umasa na sana ay hindi ako mabigo.

Nang gabi ring iyon ay hindi ako nakatulog. Laman ng isip ko si Andrew…sa tagal nang hindi namin pagkikita ay hindi siya nawala sa puso’t isipan ko. Kahit pa marami na rin ang nanligaw sa akin sa loob ng mahigit limang taon, wala ni isa akong pinapasok sa puso ko.

Naglagay ako ng pipino sa mga mata ko para hindi mahalata ang eyebags ko bukas. Inihanda ko rin ang pinakamagandang dress na nabili ko last week lang. Hair rebonding, spa, manicure, pedicure, lahat na yata ng pagpapaganda ginawa ko para lang sa ilusyon ko. Sa ilusyon ko nang muli naming pagkikita ni Andrew.

Kinabukasan, maaga pa nang magdatingan ang family ko.
“Happy birthday anak!” bati ni nanay at tatay sabay halik sa pisngi ko. Ganoon din si tatay.

“Thanks po, ‘nay, tay! Hindi po ba kayo nahirapan sa biyahe?” tanong ko sabay mano. (Itutuloy)