Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-3 na labas

“S-sorry Julia…”

Abante Hiring – IT dep

“Sorry ka diyan! ‘Wag ka kasing ma­kulit! Sige na umalis ka na!” galit ang tinig ko.

Marahang tumalikod si Andrew. Alam kong nalungkot siya sa naging reaksyon ko. At naiinis akong nakonsensya ako habang humahakbang na siya palayo.

“ANDREW!”

Lumingon siya sa akin.

“Sige na nga, sabay na tayong umuwi,” malumanay kong sabi.

“Talaga?”

Tuwang-tuwang kinuha niya ang bag ko at inalalayan pa sa pagsakay sa tricycle pa­tungo sa lugar namin.

Habang sakay ng tricycle ay panay ang tingin sa’kin ni Andrew. Pa­nay naman ang iwas ko sa mga tingin niya.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, naiilang ba’ko o nanini­bago lang sa muli na­ming pagki­kita?

“Julia, masaya ako kasi umuwi ka na…” basag ni Andrew sa katahimikang namagitan sa amin.

“Umuwi ako para magbakasyon, ba­balik din ako agad sa Maynila.”

“G-gano’n ba? E kailan ka naman ba­balik do’n?”

“Andrew, hindi mo naman kailangang ma­laman lahat ng detalye ‘di ba?”

Dahil sa sinabi ko ay muling nanahimik si Andrew. Pero kahit na­tahimik siya ay bakas pa rin sa mukha niya ang saya. Kahit pa ni hindi ko man lang siya kinumusta.

Ilang saglit lang at huminto na ang tricycle.

“O pa’no Andrew, sa­lamat. Saka na tayo magkuwentuhan, kailangan kong magpahinga.”

“Oo Julia, sige pa­hinga ka muna…” nakangiti niyang tugon. Alanganin pa sa paglakad palayo si Andrew, kundi ko pa sinen­yasan na umalis na.

Pagpasok ko sa bahay namin ay todo kantiyaw ang inabot ko mula sa mga kapatid kong sina Bob, 16 at Lia, 12.

“Uy si ate, kayo na ba ulit?” tanong ng matabang si Bob.

“Ikaw tutusukin kita ng karayom kapag hindi ka tumigil diyan!” inis kong sabi habang inilalapag ko ang mga bag ko sa sofa.

“Ate Julia, pogi naman si Kuya Andrew ah, baduy nga lang!” naka­ngiti ring hirit ng bunso na­ming si Lia.

“Ssshhh! Tahimik! Nasaan ba sina nanay at tatay?”

“Si nanay nasa palengke bumibili ng paborito mong ulam, si tatay naman namamasada ng tricycle, hindi mo ba na­kita sa paradahan?” si Bob.

“Hindi, wala siya do’n.”

“Ate, anong pa­salubong mo sa’min?”

“‘Wag kayong mag-alala marami akong pa­salubong sa inyo, kaso nasa Customs pa!” biro ko na hindi yata nila na-gets dahil hindi man lang sila natawa.

“O sige na nga, nandiyan sa bag kong pula, may pangalan ‘yan kaya ‘wag niyong pag-awayan ha, magpa­pahinga muna ako sa kuwarto ko,” pagkasabi ko no’n ay agad nag-unahan ang dalawa sa pagkuha ng mga pasalubong ko.

Pagpasok ko sa kuwarto ko na dalawang taon kong na-miss ay agad kong ibinagsak ang katawan ko.

“Hay, ang sarap ng pakiramdam…”

Pero deep inside ay nababalot ng kalungkutan ang puso ko.

Naa­alala ko si Melody…naaalala ko ang mukha niya habang humihingi siya ng saklolo sa akin…habang tinatangay siya ng alon palayo sa akin…hanggang sa tuluyan na siyang lamunin ng dagat…

Muling umagos ang luha sa mga mata ko.

Hapunan.

“Anak, paborito mo ang niluto ko ‘di ba, si­nigang na hipon, bakit parang hindi naba­bawasan ang pagkain mo?” pansin ni Nanay Biday.

“Ahm, medyo ma­sama lang po ang pakiramdam ko ‘nay…”

“Gano’n ba? E ‘di tamang-­tama ngang makahigop ka ng mainit na sabaw para kahit pa’no bumuti ang paki­ramdam mo.”

“Julia, kaya ka ba nandito para kalimutan ang nangyari sa’yo sa Maynila?” diretsong tanong ni tatay.