Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-29 na labas

Umuwi ako sa Laguna. Matapos kong makita ang mabuting kalagayan ng pamilya ko ay pinuntahan ko naman si Ka Berto na nang mga sandaling iyon ay kinukumpuni ang nasirang kubo nila.

“Julia, anong ginagawa mo rito?”

“E mangungumusta lang ho… s-si Andrew po, hindi pa rin ho ba siya nakikita?”

Napatigil si Ka Berto sa ginagawa. Bumakas sa mukha niya ang lungkot nang banggitin ko si Andrew.

“Nagdarasal ako at umaasa na nasa mabuti siyang kalagayan…” aniya.

Ilang saglit pa kaming nagkuwentuhan ni Ka Berto tungkol sa pananalasa ng bagyo sa bayan namin at tungkol kay Andrew. Nasabi niya na pumasok ang tubig sa bahay nila at nakaramdam siya ng hilo dahil tumama ang ulo niya sa pinakahaligi ng kubo.

“Nakita ko pang itinatali ni Andrew sa beywang ko ang isang container na walang laman, para raw lumutang ako kung sakaling tumaas pa ang tubig…” kuwento pa ni Ka Berto.

“Pagkatapos po, ano na pong nangyari?”

“H-hindi ko na alam… nang magkamalay ako ay nasa evacuation area na ako… ang sabi nila hindi raw si Andrew ang nagdala sa akin sa evacuation kaya hindi rin nila masabi kung nasaan siya… maski naman ang katawan niya hindi pa nakita, kaya umaasa ako na buhay pa siya!”

Sobra akong nalungkot sa mga nalaman ko.

Sunod kong pinuntahan ang papa ni Andrew pero wala rin itong ideya kung nasaan ang anak. Kahit papa’no ay nakita ko rin naman ang pag-aalala sa mukha ng papa ni Andrew.

Naisipan kong pumunta sa plaza. Naupo ako sa batuhang nakaharap sa dagat na madalas naming upuan ni Andrew noon.

“Drew… nasaan ka na?… bakit ngayon ka pa nawawala, kung kailan inamin ko na sa sarili ko ang damdamin ko para sa’yo… kung kailan handa na akong aminin rin ‘yon sa’yo…” tumayo ako at tumanaw pa ng malayo sa malawak na dagat.

Nagsimulang mangilid ang mga luha ko. Pero wala akong balak na pahirin iyon. Hinayaan ko lang dumaloy sa pisngi ko.

“ANDREW, NASA’N KA? BUMALIK KA NA!” sigaw ko sa hangin.

Matuling lumipas ang panahon. Nalagas ang tangkay ng bawat araw ng hindi ko halos namalayan. 25 na’ko and still single.

Related Posts

Natupad ko na ang pangarap ko. Isa na akong ganap na Disc Jockey sa isang FM station.

“Good evening po eve­ryone, muli na naman po tayong magkakapiling ngayon gabi para pag-usapan ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa inyong mga puso, buo man o wasak ‘yan, aba’y itawag na ‘yan at makipag-ibig na sa minamahal ninyong DJ na walang iba, sino pa ba, kundi ang sumisingit sa puso n’yo na si DJ Blue Rose!”

Matapos ang ilang pasakalye ay nagpatugtog ako ng awiting alam na alam kong magugustuhan ng mga listeners ko… ang God Gave Me You.

“Congrats DJ Blue!” bati ni Wilson. Ang DJ na susunod sa time slot ko.

Pauwi na’ko no’n at inaayos ko na lang ang laman ng handbag ko.

“Congrats sa’n?”

“Sa pagiging BEST NEWCOMER DJ!”

“Sira, nominee pa lang ako ipinatong mo na agad sa akin ang corona!”

“Why not? Manalo o matalo ikaw pa rin ang best newcomer namin dito! “

“Okay fine, aangkinin ko na ang titulo!”

“E Julia, ‘yung dinner date sa weekend, baka naman puwede na?”

Natigilan ako. Inihinto ko ang ginagawa at hinarap ko si Wilson.

“No pa rin ang sagot ko, kaya sige na do’n ka na sa booth mo!”

Aaminin ko, na sa mga kasama kong DJ doon ay si Wilson talaga ang masasabi kong guwapo at pinakamalapit sa’kin. Hindi lingid sa iba ang pagpaparamdam niya sa akin pero hindi rin lingid sa kanya na may ibang nilalaman ang puso ko.

“Teh, ano pa ba ang hanap mo? Guwapo, macho, sikat na DJ, mabait, masayahin, etc! nasa kanya na yata lahat, bakit wa score pa rin sa’yo?” siya naman si Edna. Kapwa DJ ko rin na ahead lang sa’kin ng one year sa station. Isa rin siya sa malalapit sa’kin. Kasabay ko siyang nagkakape sa isang coffee shop sa loob ng building ng istasyon.

“Anong gagawin ko kung wala namang spark ‘di ba?”

“Wala ba talaga o hindi mo lang napapansin kasi hinihintay mo pa rin ‘yung kaluluwa ng taong matagal ng wala sa buhay mo?” (Itutuloy)