Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-28 na labas

Dahil sa pag-aming ginawa ko sa sarili ko ay nakatulog ako nang mahimbing.

Napanaginipan ko pa si Andrew. Pero hindi ko maintindihan kung ikakatuwa o ikakalungkot ko ang panaginip na ‘yon. Nakalusong siya sa dagat at nakatingin sa akin, masaya, nakangiti pero kumakaway.

Napabalikwas ako ng bangon.

“ANDREW!”

Butil-butil ang pawis ko. Hindi ko maintindihan ang panaginip na ‘yon.

Thursday night. Nagpa-rebond ako ng buhok matapos kong bumili ng bagong damit. Nagpa-manicure at pedicure rin ako bilang paghahanda sa muli naming pagkikita ni Andrew. Gusto ko kasing magandang-maganda ako kapag nagharap kami at sinabi ko sa kanyang “Andrew…mahal din kita…”

Friday night.

“Julia, next week ka na lang umuwi, tingnan mo nga ang panahon, ang sabi sa TV may bagyo raw!” ani tita Bebet nang lapitan ako. Nakapamintana kasi ako at tinatanaw ang sama ng panahon sa labas. Alam kasi ni tita Bebet ang balak kong pag-uwi sa Laguna.

“Oo nga po eh… nag-aalala rin ako para kina nanay at tatay at sa mga kapatid ko.”

“Wag mo na silang masyadong alalahanin, sanay na sanay ang mga magulang mo sa bagyo!”

Tinawagan ko si nanay para kumustahin ang kalagayan nila nang bumuhos pa ang malakas na ulan.

“Naku anak, medyo hindi maganda, mas ma­lakas kasi ang hangin ngayon kaysa ulan!” balita ni nanay.

“Mag-ingat po kayong mabuti!”

“Oo, e kayo diyan ng tita Bebet mo?”

“Okay lang naman po kami dito, bato naman po ang bahay ni tita Bebet at mukhang safe pa naman po kami dito sa lugar.”

“Mabuti naman kung gano’n.”

“E ‘nay, s-si Andrew po? Kumusta naman po sila ni Ka Berto?”

Related Posts

“Hindi ko alam anak eh, hindi pa kasi kami makalabas dahil sa bagyo, pero di bale babalitaan kita kapag nakabalita ako sa kanya!”

“Sige po. Try ko na lang ding pong tawagan siya.”

“Mabuti pa nga, o sige na, mag-ingat din kayo diyan ng tita mo, text text tayo ha!”

“Opo nay, bye po.”

Ilang ulit kong idinayal ang phone ni Andrew matapos ang pag-uusap namin ni nanay, pero nabigo akong makontak siya.

Sinubukan ko ring kontakin siya sa FB pero hindi siya nag-o-online.

“Drew…sana okay ka lang…”

Matapos ang halos isang linggong pananalasa ng bagyo ay muli kong nakausap si nanay sa cellphone.

“Anak, may bad news ako…”

“A-ano po ‘yon?”

“Tungkol kay Andrew, kasi nagiba pala ang kubo nila, e di ba malapit sila sa dagat?…si Ka Berto nasa evacuation area, sa school, pero si Andrew…”

“Anong nangyari kay Andrew ‘nay?”

“Hindi pa siya natatagpuan…”

Hindi ako nakaimik. Labis ang pag-aalalang naramdaman ko.

“Ang sabi ni Ka Berto, magaling raw lumangoy si Andrew kaya malakas ang kutob niyang buhay ito, pero syempre hangga’t hindi pa siya nakikita nag-aalala pa rin ‘yung matanda.”

“Ano pong sabi ng papa niya?”

“Hindi ko alam, hindi ko naman nakita ang papa niya…”

Napapikit ako at napahugot ng malalim na hininga.

“No…hindi ka pwedeng mawala Andrew…hindi pwede…” bulong ko sa sarili ko. (Itutuloy)