Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-27 na labas

“Ngayon ikaw naman ang tatanungin ko, ano ang nasa loob mo? Puwede ko bang malaman?”

Hindi ko alam ang isasagot ko. Maski kasi ako hindi pa sigurado sa nararamdaman ko. Kung mahal ko na ba ulit siya gaya ng dati o pagmamahal na lang para sa isang kaibigan?

“Julia, kung hindi mo kayang sagutin ang tanong ko, hindi kita pipilitin.”
“Andrew…”

Dahil wala akong masabi kaya tinalikuran na ako ni Andrew. Marahan ang paghakbang n’ya palayo.

May bahagi ng puso ko na parang bumubulong sa akin, gusto siyang tawagin para sabihin na mahal ko siya… pero hindi ko ginawa. Nanatili akong nakatayo sa kinanatayuan ko habang magkausap kami kanina.

Tapos na ang sembreak at kailangan ko nang bumalik sa Manila. Gusto kong makausap muna si Andrew. Pinuntahan ko siya kina Ka Berto, pero wala siya do’n. Wala rin siya sa bukid. At wala rin siya sa dagat.

“Nay aalis na ho ako.” Paalam ko kay nanay habang isinasara ko ang zipper ng bagahe ko.
“Sigurado ka ba?”
“Opo naman ‘nay, kailangan ko nang bumalik sa Maynila.”

“E ‘di sige, mag-ingat ka na lang sa biyahe mo, dalas-dalasan mo naman ang text at tawag sa’min para hindi ka namin mas­yadong ma-miss.”

“Opo.”
“E anak, dumaan ka ulit kina Ka Berto baka nandoon na si Andrew.”

“Nay ‘wag na ho, tatawagan ko na lang siya para magkaayos kami.”
“Ikaw ang bahala.”

Akala ko talaga hindi na kami magkakausap ni Andrew bago ako umalis. Pero nagulat na lang ako nang datnan ko siya sa terminal.
“Drew?”

“Hindi ko matiis na hindi kita makita bago ka umalis eh… saka eto, may mga pabaon ako sa’yo!”

Isang basket ng prutas at mga gulay.
“Pagbibitbitin mo talaga ako ng mga ‘yan?”

“Konti lang naman ‘to, e kung gusto mo ihahatid na kita hanggang sa Maynila para ako na lang ang magbitbit para sa’yo!”

“Hindi na, masyadong abala sa’yo ‘yon, sige keri ko na ang mga ‘yan, salamat na lang.”
Saglit na katahimikan ang namagitan sa amin.

“J-Julia, ‘yung nasabi ko sa’yo… pasensya ka na ha…”
“Ako nga ang dapat humingi ng pasensya. Pasensya ka na kasi…”

“‘W-‘wag mo nang ituloy ang sasabihin mo, okay lang, okay na’ko. Basta mag-ingat ka na lang mabuti doon.”

Kahit papa’no ay nakahinga ako nang maluwag sa pagkikita na­ming iyon ni Andrew. Pero hindi tulad ng mga unang alis ako, tila mabigat ang pakiramdam ko ngayon. Parang may kulang. Parang meron akong gustong sabihin sa kanya na hindi ko nasabi. Tinitingnan ko siya habang palayo ang bus na sinasakyan ko.

“Andrew…”

Ang mga sumunod na araw ay inabala ko sa pag-aaral. Pero hindi ko pa rin maitago ang nararamdaman ko. At alam ni Kristine ang pinagdaraanan ko.

“Ano ka ba naman Julia, ang laki ng problema mo! E ang simple-simple lang naman, mahal ka nu’ng tao at mahal mo rin naman siya, e ‘di aminin mo para magkaroon na kayo ng forever!” naiinis na sabi ni Kristine habang nagbubuklat kami ng mga books sa isang bookstore sa mall.

“Ang daling sabihin pero hindi kasi ikaw ang nasa situwasyon ko!”

“Wow ha, ano bang akala mo high school pa rin kayo? Ikinahihiya mo pa rin ba ang pagiging nerd niya, baduy? O anuman ‘yong kapintasan niya, e ‘di ba guwapo naman? keri na ‘yon!”

“Hindi naman. Gusto ko lang masiguro sa sarili ko na siya na talaga, ayokong magkamali ulit!”
Binitiwan ni Kristine ang hawak niyang libro.

“Okay fine, goodluck sa paniniguro mo, hopefully nandiyan pa siya kapag sigurado ka na sa feelings mo!”
Napaisip ako sa sinabi ni Kristine.

Ilang araw at gabi ko ring pinag-isipan ang tungkol sa damdamin ko kay Andrew. Kapag nakikipag-communicate ako sa kanya sa cellphone at net pakiramdam ko lalo akong nahuhulog sa kanya. Kapag naman iniiwasan ko siya ay name-miss ko naman siya.

Humigpit ang hawak ko sa unan na dinadantayan ko.

“Ayoko na, pagod na ako kakaisip sa’yo, kailangan mo nang malaman kung ano talaga ang nasa loob ko… aaminin ko na… aaminin ko na… Oo na sige na, mahal na kita… mahal pa rin kita… mahal na ulit kita…” sa wakas ay naamin ko rin iyon sa sarili ko.

Naisip ko, sa weekend ay pupuntahan ko siya. Gusto kong personal na sabihin sa kanya ang damdamin ko. Sigurado akong matutuwa siya. At matutuwa rin sina nanay kasi nagustuhan na rin nila si Andrew para sa’kin! (Itutuloy)