Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-25 na labas

“Oo naman! Ang sarap nga rito sa bukid e, mahangin saka mababait ang mga kasama ko, masasaya silang kasama puro komedyante eh!” sabay turo ni Andrew sa mga kalalakihang nasa ‘di kalayuan.

“Teka nga pala Julia, magbabakasyon ka ba ulit dito? Ginulat mo ako ha! hindi sinabi sa akin ni Manang Biday na uuwi ka, hindi tuloy kita nasundo sa terminal!” ani Drew habang pinupunasan ng suot na damit ang salamin niya.

“Okay lang… hindi rin naman nila alam, naisipan ko lang umuwi.”

Nang maisuot muli ni Andrew ang napunasang salamin ay saglit niya akong tinitigan.

“Aba, nadagdagan yata ang ganda mo ah!”

Naupo ako sa tabi niya.

“Bolero!  Alam mo ang totoo nag-aalala ako sa’yo eh…”

“Ano? Kaya ka ba nandito?”

“Sabihin na natin na isa ‘yon sa dahilan ng pag-uwi ko.”

Natigilan si Andrew. Napawi ang ngiti sa labi niya.

“Julia, ibig bang sabihin no’n mahalaga rin ako sa’yo?”

“Mahalaga? Oo naman, kaibigan kita eh.”

“Gano’n ba, kasi… kunsabagay, ‘yung mga panahon na hindi ka nagre-reply sa mga text ko, hindi mo sinasagot ang mga tawag ko, siguro busy ka no’n ‘di ba?”

Naisip ko ‘yung mga panahon na sinasabi ni Andrew ang mga panahon na pilit ko siyang iniiwasan at inaalis sa isip ko.

“O-oo, madalas kasi busy ako…”

Maya-maya pa ay sumenyas na si Ka Berto na kailangan ng bumalik ni Andrew sa bukid.

“O pa’no Julia, mamaya na lang ulit tayo magkuwentuhan ha. Pupuntahan na lang kita sa inyo!” maluwang ang ngiting sabi ni Andrew. Kumaway pa siya bago tuluyang lumayo sa akin.

Habang lumalakad palayo si Andrew ay hindi ko maiwasang humanga sa kanya. Sa kabila kasi ng mga pinagdaanan at naging buhay niya ngayon ay parang tanggap na tanggap pa rin niya ang lahat. Taliwas sa inaasahan ko ay parang sanay na sanay na siyang mabuhay sa bukid.

Hindi ko alam kung ilang sandali pa akong nanatili sa ilalim ng punong iyon na pinagmamasadan lang si Andrew mula sa malayo.

Kinabukasan. Tulad ng inaasahan ko ay bisita ko na si Andrew sa napakaaga pang oras.

“Eto nagdala ako ng almusal, pandesal at pansit!”

“O sige, dahil may pandesal ka na at pansit, ipagtitimpla na lang kita ng kape!” sabi ko.

“Ayos!”

Habang nag-aalmusal ay pinakikiramdaman ko si Andrew. Wala naman akong mabakas na kalungkutan sa kanya kahit kati­ting.

“Julia, gusto mo bang sumama sa’kin mamaya, dadalawin ko lang si mama.”

“Oo ba! gusto ko rin naman siyang madalaw!”

Nakita kong nagkatinginan sina nanay at tatay pero wala silang sinabi na anuman.

Malapit na ang sunset nang sunduin ako ni Andrew. Ini-expect ko na sa sementeryo kami pupunta. Pero nagulat ako nang dalhin niya ako sa dagat. Noon ko naalala na ipina-cremate nga pala ang mama niya. Kaya siguro nagkatinginan kanina sina nanay at tatay.

“Ito ang libingan ni mama… binilin kasi niya na isaboy sa dagat ang abo niya…”

“Ang laki ng libingan niya…” naalala ko na naman si Melody. Hindi man nasaboy ang abo niya sa dagat pero sa dagat naman siya namatay…

Saglit na namagitan sa amin ang katahimikan habang isa-isang inihahagis ni Andrew sa dagat ang bawat tangkay ng isang bungkos ng rosas na dala namin. Nang isa na lang ang matira ay iniabot niya iyon sa akin para ako naman ang maghagis.

“Drew, anong nararamdaman mo ngayon? Ngayong wala na ang lahat sa’yo?”

“Ano bang dapat kong maramdaman? Wala lang, okay lang ako. Payapa na si mama, kaya payapa na rin ang damdamin ko.”
“Imposible!” naibulalas ko.

“Anong imposible do’n? ayokong makaramdam ng lungkot Julia kaya kailangan tanggapin ko lang ang lahat ng nangyayari at mangyayari pa sa akin, sa buhay ko.”

“Pero hindi ka bato para hindi makaramdam ng sakit, lalo na sa situwasyon mo ngayon.”

“Pansamantala lang ang situwasyon ko ngayon, umiikot ang mundo, magbabago rin ang lahat.”

Nanahimik ako. Tiningnan ako ni Andrew.

“Ano ka ba, okay ganito na lang, always believe that something wonderful is about to happen!”

“Ayan ka na naman sa mga quotes mo, tingin mo ba effective talaga ‘yan?”

“Kung maniniwala ka lang.”

“Okay sige, may baon ako… I like myself better when I’m with you…”

Muling napatingin sa akin si Andrew.

“T-Talaga?” (Itutuloy)