Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-23 na labas

Pero parang walang naririnig si Jab. Matin­ding takot ang naramdaman ko sa mga sandaling iyon. Kumapa ako ng anumang kayang abutin ng mga kamay ko. Hanggang sa mahawakan ko ang vase na nasa ulunan namin at sa pagnanais kong makawala sa situwasyon na ‘yon ay hindi na ako nagdalawang isip. Ipinukpok ko iyon sa ulo ni Jab. Nasaktan siya. Napaangat siya sapo ang ulo niya. Kaya naman sinamantala ko na ang pagkakataon. Tumakbo ako palabas ng silid niya. Narinig ko pa ang sigaw niya.

“JULIA!”

extraNang makalabas ako ng bahay ay agad akong pumara ng taxi. Pero sa halip na sa bahay ni tita Bebet ay sa dorm ni Kristine ako nagpahatid.

“O Julia, anong nangyari, ba’t ganyan ang itsura mo?”

Pinainom ako ni Kristine ng tubig. At saka ko kinuwento sa kanya ang nangyari.

“OMG! You mean nagda-drugs si Jab at tinangka ka niyang pagsamantalahan?” Nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwala si Kristine. Mataas kasi ang pagtingin niya kay Jab. Respetado at mukhang hindi gagawa ng masama.

“H-hindi rin ako makapaniwala… sa buong panahon na naging kami, ni hindi ko naramdaman na meron siyang ginagawang gano’n…” habang sinasabi ko iyon ay tumutulo na rin ang luha ko.

Katahimikan.

“So anong plano mo ngayon?”

“Ewan ko, makikipag-break ako sa kanya, sa tingin ko iyon lang ang magagawa ko, ayoko namang isumbong pa siya sa mga pulis…”

“Tama friend, mabuti’t nalaman mo agad ‘yon para makalayo ka na sa kanya.”

Niyakap ako ni Kristine para ipadama sa akin ang pakikisimpatya niya sa nangyari.

Nang gabi ring iyon, naisipan kong magbukas ng FB. Doon ko nakita ang napakaraming messages ni Andrew. Mga quotes at words of wisdom na isine-share niya sa akin. Isa-isa kong binasa ang mga ‘yon.

“I keep myself busy with things to do, but everytime I pause, I still think of you…”

“It’s hard to tell your mind to stop loving someone, when your heart still does…”

Grabe, napakahilig talaga niya sa mga quotes. Ito ba ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para maging strong? Naisip ko siguro nga.

Nang biglang tumunog ang cellphone ko. Si Jab. Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hindi.

Hinayaan ko lang na tumunog iyon. Pero mukhang walang balak si Jab na itigil ang pagtawag hangga’t hindi ko sinasagot ang call, kaya naisip kong i-off na lang ang phone ko.

Ilang beses din akong sinuyo ni Jab pero hindi ko siya pinakinggan. Kahit araw-araw niya akong pinuntahan sa school ay pinili ko pa rin na magmatigas. Hindi pa ako handang maki­pag-ayos sa kanya. Gusto ko munang dumistansya at makapag-isip.

Hanggang sa napansin kong hindi na siya nagpaparamdam sa akin. Kahit papa’no ay nasanay na rin ako sa pangungulit niya. Pero kung kailan handa na akong pakinggan ang paliwanag niya ay saka naman hindi siya nagpapakita.

“Julia ngayon na ang flight ni Jab patungo sa America.” Sabi ni Kristine. Nalaman iyon ni Kristine sa pinsan niya na kabarkada ni Jab.

Magkasabay kaming nag-aabang ni Kristine ng taxi pauwi mula sa school.

“A-America?”

“Yup, akala ko nga alam mo eh, buti na lang nasabi mo na hindi na siya nagpaparamdam sa’yo kaya naalala ko ‘yung sinabi ng pinsan ko na ngayon ang flight niya.”

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Nang makakuha ako ng taxi ay nagpahatid agad ako sa airport.

Medyo nakahinga ako nang makita ko pa si Jab sa waiting area. Urong-sulong man ay nakalapit pa rin ako sa kanya.

“J-Jab?”

Nilingon niya ako at nakita kong natuwa naman siya nang makita ako. (Itutuloy)