Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-22 na labas

Marami pa kaming napag-usapan ni Andrew. Puro tungkol sa mama niya, ang mga pinagdaanan nitong hirap at mga habilin nito. Pagkatapos ng conversation na ‘yon ay nanatiling naguguluhan ang damdamin ko para kay Andrew.

Hindi na ako umuwi sa probinsya para makipaglibing. Nakiramay naman ang buong pamilya ko kay Andrew siguro sapat na ‘yon. Isa pa, ayokong magkita ulit kami kasi baka mas lalo pa akong maguluhan sa nararamdaman ko. Ibinuhos ko na lang ang atensyon ko sa pag-aaral at sa bago kong boyfriend na si Jab. Pinipilit kong maging mabuting girlfriend sa kanya kahit pa marami na akong binabago sa sarili ko.

Isang umaga, gumi­sing ako na super sakit ng ulo ko at ang bigat ng pakiramdam ko.
“Julia, napapadalas yata ang inom mo, hindi ka naman dating ganyan ah?” puna sa akin ni tita Bebet habang inaabutan ako ng isang baso ng malamig na tubig.

Umayos ako ng pagkakaupo sa kama ko. Ininom ko muna ang tubig bago ko sinagot si tita Bebet.

“Meron na naman po kasing may birthday sa barkada ni Jab.”

“Ano? E tuwing may birthday ba kailangan mong malasing?”

“Tita, nakikisama lang po ako.”

“Aba Julia, hindi ganyan ang pakikisama, ‘yung presence mo sa okasyon e tama na ‘yon, kung paunlakan mo man sila sa pag-inom e konti-konti lang hindi naman ‘yung palagi ka na lang uuwi na sumusuray, ang pangit tingnan kadalaga mong tao!”

Hindi na ako kumibo. Baka kasi humaba pa ang diskusyon. Tulad ng dati tatanggapin ko na lang ang sermon ng tita ko.

Mula nang maging boyfriend ko si Jab ay sa kanya ko na lang pinaikot ang mundo ko. Sinunod ko ang mga kagustuhan niya maging sa ayos ng buhok at pananamit ko. Hindi ko nga namalayan na wala na pala akong mga kaibigan. Maging si Kristine ay hindi ko na halos nakakasama. Palagi kasi kaming may lakad ni Jab. Sinadya kong ibuhos sa kanya ang lahat ng atensyon ko. Ang tanging naging kahati lang niya sa oras ko ay ang pag-aaral ko.

Kahit ang mga chat, text at call ni Andrew ay pinilit kong balewalain mapapaniwala ko lang ang sarili ko na hindi ko na talaga siya iniisip. Na wala na akong ibang gustong isipin kundi si Jab.

Hanggang isang araw. Naisipan kong sorpresahin si Jab. 4th monthsary namin ‘yon. Pinuntahan ko siya sa bahay niya dala ang isang cake. Binigyan niya ako ng duplicate ng susi para raw pag nagpunta ako at nagkataong tulog siya ay makakapasok ako sa bahay. Kaya nagamit ko ang duplicate ng araw na ‘yon.

“Jab?”

Walang sagot.

“Jab, hello?”

Wala pa ring sagot. Dumiretso na ako sa kuwarto niya. Pakiramdam ko ay ako ang masosorpresa. Madilim kasi ang loob ng kuwarto niya na naiwanan niya yatang bukas ang pinto.

“Jab?”

Related Posts

Kinapa ko ang switch ng ilaw sa gilid ng dingding. Nagulat ako nang lumiwanag at tumambad sa akin si Jab na tila wala sa sariling nakaupo sa sahig at nakasandal sa ibaba ng kama niya. Sa lapag ay ang mga bagay na hindi ko sigurado kung mga drugs ba o ano? Nasa kamay pa ni Jab ang isang pang-injection!

Saglit akong natulala. Hindi ko alam kung tatalikuran o lalapitan ko siya. Pinili ko ang huli. Inilapag ko ang cake sa side table at saka ko siya nilapitan.

“Jab, anong ginagawa mo?”

Bahagya ko siyang tinapik-tapik para maulinagan. Tumingin siya sa akin pero parang hindi man lang siya nagulat na nandoon ako.

“Julia…” halos pabulong ang boses niya.

Dinampot ko ang puro at puting bagay na iyon na nakalagay pa sa plastic. Meron ding nasa bote. Sinipat-sipat ko iyon. Malakas ang kutob ko na drugs nga iyon.

“Julia, salamat at nandito ka…”

Naglipat ang tingin ko sa hinihinala kong drugs at kay Jab.

“Jab, anong mga ‘to? Drugs ‘to ‘di ba?”

Hindi ako sinagot ni Jab, sa halip ay hinapit niya ako sa beywang.

“My love, please stay, stay with me…” mahina niyang sabi.

“Bitiwan mo ako Jab, ano ba!”

Pero hindi niya ako binitiwan. Pinuwersa pa niya akong maihiga sa kama.

“Stop it Jab! Stopt it!”

“Why? Why should I stop? Mahal kita, mahal mo’ko, puwede nating gawin ‘to ‘di ba?”

Itinutulak ko si Jab palayo sa’kin.

“Parang awa mo na, don’t do this!”

Habang itinutulak ko siya palayo ay tila lalo naman siyang nagiging masigasig na gawin ang nais niya. Ramdam na ramdam ko na ang bawat halik niya sa pisngi ko at sa leeg ko.

“Bitiwan mo ‘ko! Tama na!” sigaw ko. (Itutuloy)