Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-2 na labas

Si Andrew Milan, ang ex boyfriend ko. Naging BF ko siya nu’ng high school. Mga isang taon kaming naging mag-on.

Pero nang maka-graduate kami ay nagpasya ang mga magulang ko na pag-aralin ako sa Maynila at tumira sa bahay ng tiyahin ko doon.

Isang magandang pagkakataon iyon para matakasan ko si Andrew.

Kontra kasi sa kanya ang mga tao sa paligid namin, ang mga kaibigan ko at ang pamilya ko mismo.

Nerd daw kasi si Andrew, baduy, may sari­ling mundo at kung anu-ano pang kapintasan, kaya naman nagtataka sila kung bakit ko siya nagustuhan.

May mga nagsabi pa nga na baka dahil lang daw sa may kaya ang pamilya ni Andrew.

Pero siyempre hindi ang isasagot ko sa kanila…Dahil sa pananahimik ko sa paglait nila noon kay Andrew ay umapela ang puso ko.

Ipinagtanggol nito si Andrew, ang sabi ng puso ko busilak ang kalooban ni Andrew at siya na yata ang pinakamasayahing tao na nakilala ko.

Masaya as in super-gaan niyang magdala ng problema. At kung looks naman ang pag-uusapan, lagyan mo lang ng salamin si Enrique Gil at hindi na nalalayo ang mukha nila.

Kaya lang, sa kabila ng pag-apela ng puso ko ay nanatili akong bingi at bulag sa ipinakitang pagmamahal ni Andrew. Mas pinakinggan ko at pinahalagahan ang sinasabi ng iba.

Natatandaan ko pa kung gaano siya nalungkot nang sabihin ko sa kanyang hindi ko na siya mahal, kung paano niya hinabol ang bus na sinakyan ko palayo sa kanya…at nang wala na siyang magawa ay narinig ko pang isinigaw niya noon na MAG-INGAT KA SA MAYNILA JULIA! Tsk, tsk, parang kailan lang…heto na ulit siya ngayon sa harapan ko…

“Julia?…”

“A-Andrew, anong ginagawa mo rito sa terminal?”

“Ang sabi kasi ni Manang Biday uuwi ka daw…ngayon…kaya inabangan kita…”

“Pero Andrew hindi mo naman ako kailangang abangan.”

“Alam ko, gusto lang kitang salubungin…kumustahin…”

“Okay, ngayong nakita mo na’ko, okay lang ako, kaya sige na umuwi ka na.”

“P-pero…”

“Andrew nakalimutan mo na ba na nag-break na tayo noon?…walang nabago Andrew, kung anong nararamdaman ko nu’ng iniwan kita noon gano’n pa rin ‘yon ngayon, kaya please?”

“A-ayaw mo bang tulungan kitang magbitbit ng bagahe mo pauwi?” giit ni Andrew.

“Bagahe? Keri ko ng dalhin ‘tong dalawang bag ko, magaan lang naman eh, sige na, tsupi na!”

Pero sa halip umalis ay walang salitang kinuha pa rin ni Andrew ang mga bag ko. Pero binawi ko iyon.

“Ako na,” giit niya na kinuha ulit ang bag ko mula sa mga kamay ko.

“Hindi, ako na!” giit ko rin.

“Ako na please?” giit ulit niya.

“Kulit mo naman, ako na sabi!” giit ko ulit na matigas na ang boses.

Sabay bitaw ni Andrew sa bag ko na hawak ko rin kaya muntik na akong mawalan ng balanse.

Agad naman niya akong naalalayan sa beywang bago pa ako bumagsak.

Saglit kaming nagka­titigan. At mula sa mga mata niyang natatakpan ng salamin na may grado ay nakita ko ang pag-aalala niya.