Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-15 na labas

Pumikit ako. Dama ko ang lamig ng tubig sa aking paanan.

“Isigaw mo Julia, palayain mo ang puso mo…” sabi pa ni Andrew.

Nasa beywang ko na ang tubig nang huminto kami ni Andrew sa pagbaybay. Humugot ako ng malalim na hininga bago ko isiniwalat sa ihip ng hangin ang nasa sa loob.

“MELODY PATAWARIN MO ‘KO! PATAWARIN MO ‘KO! HINDI KO GUSTONG MAWALA KA! MAHAL NA MAHAL KITA, IKAW ANG BESTFRIEND KO!”

Ang kasunod no’n ay walang patid na pagluha. Pero aaminin ko na nakaluwag iyon sa kalooban ko.

Niyakap ako ni Andrew. Mga yakap na nagpapahiwatig ng buong pusong pakikisimpatya.

Related Posts

“S-salamat Andrew…” halos pabulong na sabi ko.

Kumalas ako sa pagkakayakap ko kay Andrew. Tumingin ako sa mga mata niya. Napatitig ako at hindi ko alam kung anong gusto kong sabihin sa kanya na hindi ko mabigkas. Nakatitig rin siya sa akin. Parang may gusto rin siyang sabihin. Pero ang moment na ‘yon ay naudlot nang bigla kaming basain nina Bob at Lia.

“Ate, kuya, habulan tayo sa tubig!” aya nila.

“Talaga? gusto n’yo ng habulan?” si Andrew.

Sabay na tumango ang dalawa kong kapatid.

“O sige, eto na si sea monster!”

Parang batang nakipaglaro sa tubig si Andrew sa mga kapatid ko. Ayokong sumali, pero pinagtulungan nila ako. Nabigla pa ako nang buhatin ako ni Andrew at ihagis sa tubig. Siyempre gaganti ako, hindi ko man siya kayang buhatin at ibalibag sa tubig kaya ko naman siyang hilahin pailalim.

Sa ilalim ng tubig ay ikinawit ni Andrew ang kamay niya sa beywang ko para subukan akong hilahin paitaas. Pumapalag ako dahil kailangan ko siyang matalo pero mas malakas siya sa akin at nagawa pa rin niya akong itaas. (Itutuloy)