Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-14 na labas

Nagkamay sila sa harap ko. Hindi ko alam kung may something ba sa tinginan nila o ako lang ang nag-iisip no’n.

Nilapitan kami ni nanay dala na ang nilutong pansit canton at tinimplang juice. Nagulat din siya nang makitang dalawa na ang bisita ko.

Bago siya tumalikod ulit ay iniwanan niya ko ng makahulugang tingin.

Binasag ni Jab ang namagitang katahimikan sa aming tatlo.

“Ehem, Andrew kung ikaw ang tatanungin ko, gusto mo bang mag-stay rito si Julia or bumalik na siya sa Manila para tuparin doon ang mga pangarap niya?”

“JAB!” saway ko.

Pero sinagot pa rin ni Andrew ang tanong ni Jab.

“Siyempre gusto ko kung ano ‘yung gusto niya, kung ano ‘yung sa tingin niya ay mas makakabuti para sa kanya,” nakangiti at nakatitig sa akin si Andrew habang sinasabi niya ‘yon. Kaya napangiti rin ako sa kanya.

Matapos ang ilang minuto pang pagku­kuwentuhan ay nagpaalam na si Jab. Pero hindi raw siya babalik ng Manila nang hindi ako kasama kaya pansamantala ay magre-rent muna siya sa isang room for rent na nadaanan niya.

Nang makaalis si Jab ay may sinabi sa akin si Andrew.

“Julia, masaya ako na nandito ka, pero mas magiging masaya ako kung matatapos mo ang pag-aaral mo do’n at maaabot mo ang pangarap mo.”

Hindi ako kumibo. Alam ko naman na ‘yon ang dapat kong gawin. Naguguluhan lang ako sa ngayon dahil nababalot pa rin ng takot at kalungkutan ang puso ko para kay Melody. Sa bawat sulok ng dorm, maging sa bahay ng tita ko na tinuluyan ko, sa bawat room ng pinapasukan naming eskwelahan sigurado akong palagi ko pa rin siyang maaalala.

Isang araw ay nagulat ako nang dumating si Andrew sa bahay na naka-sando at shorts, may dalang isang basket ng pagkain at may dala pang salbabida.

“Andrew, ano ‘yan?”

“Ito? Mga gamit panligo, aayain sana kita e, sa dagat…”

“What?”

“Oo, maligo tayo sa dagat, isama natin sina Bob at Lia!”

“Nababaliw ka na!” tatalikuran ko sana siya nang hawakan niya ako sa kamay.

“Hindi ako nababaliw, naisip ko ‘to para maka-recover ka, para ma-overcome mo ang nagpapagulo sa isip mo!”

Natigilan ako. Ano ba talaga ang balak niya?

“Ate sige na please sama na tayo! Huling hirit sa tag-init!” singit ni Bob.

Hindi ko alam kung paano nila ako napapayag na harapin ang dagat. Kasama sina Bob at Lia ay nakumbinsi nila ako.

“Julia, tingnan mo sila, masaya, nagtatampisaw sa tubig, tara na!” aya ni Andrew.

“P-pero…”

Inalalayan ako ni Andrew palusong sa tubig. Habang papalapit ako nang papalapit sa dagat ay unti-unti namang nagpa-flashback sa isip ko ang mga pangyayari sa amin ni Melody.

“‘Wag kang matakot, nandito ako…aalalayan kita…” narinig kong sabi ni Andrew.

Nang lumapat na ang mga paa ko sa tubig ay tila malinaw kong nakita sa isip ko ang mukha ni Melody at malinaw ko ring narinig ang pagsigaw niya.

“A-ayoko na!” sabi ko.

Pero hindi ako binitawan ni Andrew. Sa halip ay hinigpitan pa niya ang pag-alalay sa akin.

“Julia, sige lang, tanggapin mo sa isip mo, isigaw mo ang nilalaman ng damdamin mo, hu­mingi ka ng tawad sa kanya at patawarin mo na rin ang sarili mo…” (Itutuloy)