Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-12 na labas

Huminga ng malalim si Andrew bago siya sumagot.

“Magiging okay rin si mama, ang sabi niya sa’kin ‘wag akong malungkot sa kalagayan niya… ang sabi niya parte ng buhay ang kasiyahan at paghihirap… isa lang daw ang kailangan kong gawin…”

“Ano ‘yon?”
“Ang tanggapin ang mga pangyayari sa buhay namin.”

Wala akong masabi. Kasi kahit ano pa ang sabihin ni Andrew, mahirap pa ring tanggapin ang isang situwasyon na hindi maganda lalo na kung alam mong nahihirapan ang isang taong mahal mo.

Mula noon ay lagi na akong kinukulit ni Andrew para lumabas, magsimba, mamasyal, kumain sa karinderya na dati naming kinakainan.

Madalas ay pinagtataguan ko siya. May mga oras kasi na gusto ko pa ring mapag-isa. Gusto kong magmukmok lang sa loob ng kuwarto ko ng buong araw. Pero hindi ako pinapatahimik ni Andrew. Siya na yata ang pinakamakulit na lalaking nakilala ko.

May pagkakataon pa nga na nag-attempt ulit siyang ligawan ako. Di­nalhan niya ako ng isang boquet ng red roses. Pero binigo ko siya sa muling pagkakataon.

“Andrew, I’m sorry pero mas mabuti na yung ganito, magkaibigan tayo, masaya at naiintindihan natin ang isa’t isa.” Sabi ko habang ibinabalik ko sa kanya ang mga rosas.

Isang araw. Nagising na naman ako sa pagkakaingay nila nanay at mga kapatid ko. Sa isip ko, nandito na naman siguro si Andrew. Palagi na lang ang aga-aga niyang mang-istorbo!

Bumangon ako at naghihikab pang lumabas mula sa kuwarto nang matigilan ako.
“J-JAB?” nanlaki ang mga mata ko.

Si Jab, ang isa sa mga close friend ko, at the same time ay coach ko rin sa swimming at minsan rin siyang nagpahayag ng damdamin para sa’kin pero agad kong binasted dahil sabi ko hindi pa ako ready ulit na makipag-boyfriend.

Natutop ko ang naudlot kong paghihikab. Pagkakita sa akin ni Jab ay agad niya akong nilapitan at niyakap. Nagkatinginan sina nanay at tatay. Pati ang mga kapatid ko ay nahinto sa pag-uusisa sa mga pasalubong ni Jab at napatingin rin sa amin.

Inalis ko ang pagkakayakap sa’kin ni Jab.
“A, nay, tay, si Jab po, kaibigan ko at coach ko po sa swimming…”

“Oo, nagpakilala na siya sa’min, mabuti pa kausapin mo na muna ‘yang KAIBIGAN mo habang ako naman ay maghahanda ng makakain.”

Sinadya ni nanay ipagdiinan ang salitang kaibigan. Alam kong may mga gusto siyang itanong sa akin dahil hindi ko yata nabanggit sa kanila si Jab ni minsan. At alam kong hindi sila sanay makita na may lalaking bigla na lang yumayakap sa akin.

Pinapasok ni nanay sa kuwarto nila ang mga kapatid ko. Sinenyasan rin ni nanay si tatay na iwan kami dahil nanatili itong nakaupo sa sofa. Sumunod naman si tatay.

Magkatabi kaming naupo ni Jab sa sofa.
“Jab ano bang ginagawa mo rito?”

“Ikaw dapat ang tanungin ko, what are you doing here? ‘Di ba dapat nagpa-practice ka na para sa next competition na sasalihan natin?”
“K-kasi… ano… ayoko muna…”

“What? Hindi larong piko ang sasalihan natin Julia na puwede mong sabihing ayaw mo munang sumali, kakaumpisa pa lang natin sa labang ito suko ka na agad?”

“Alam ko, pero…”

“Pero iniisip mo pa rin si Melody, so what are your plans? Magmumukmok ka na lang ba rito? Matatapos na ang bakasyon, maraming bagay kang dapat asikasuhin ngayon sa Manila.” (Itutuloy)