Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-10 na labas

Tahimik lang na nakikinig sa akin si Andrew.

“Nag-inuman kami ng mga barkada ko sa loob ng cottage namin… nakiinom nga rin si Melody kaya akala ko okay na ang pakiramdam niya… dahil lasing na’ko, lumabas ang kulit ko, kinulit ko siya na lumusong sa tubig kahit ayaw niya, binasa ko pa nga siya e… kaya n-napilitan siya… lumangoy siya kasama ko… luma­ngoy siya nang lumangoy hanggang sa hindi ko napansin na napapalayo na pala kami…”

Nagsunud-sunod ang patak ng luha ko na pinapa­hid ko rin agad ng daliri ko. Nagpatuloy ako sa pagkukuwento.

“Sumigaw ako, hinahanap ko siya… at nakita ko siya… narinig ko pa ang sigaw niya… Julia, tulungan mo ko… paulit-ulit… lumangoy ako palapit sa kinaroroonan niya, pero bigla siyang nawala… sumisid ako, hinanap ko siya sa kailaliman ng dagat… hinanap ko siya sa abot ng makakaya ko… pero hindi ko na talaga siya nakita… ang mga rescuer na ang nakakita sa kanya… at hindi na nila siya naisalba…”

Nagsimulang pumagitan ang hikbi sa bawat katagang lumalabas sa bibig ko.

“Isang buwan mahigit na ang nakalipas, pero parang kahapon lang nangyari ang lahat… nakadikit na sa utak ko ang galit na galit na mga magulang ni Melody, pati ang iba sa mga kaibigan naming… kundi ko raw pinilit sumama si Melody, kundi ko raw pinilit lumusong sa tubig si Melody sa kabila ng nararamdaman nito, sana ay buhay pa raw ito ngayon…”

Unti-unting hina­wakan ni Andrew ang mga kamay ko marahil tanda ng pakikisimpatya. (Itutuloy)