Una sa Balita

MVP, TV5 nilayasan ng mga Big Star

By
0 3,994

NAGLAYASAN na sa TV5 o Kapatid network ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan ang mga artistang pinirata nito sa ibang istasyon ng telebisyon.

Taong 2010 nang mag-reformat ang TV5 matapos mabili ni Pangi­linan ang pinakamala­king share ng nasabing network na ibinenta sa kanya dahil sa global financial crisis.

Sa ilalim ng bagong management, nagsimula rin ang reformatting ng maraming lineup sa prog­ramming at ni-launch din ang bagong brand ng TV5 bilang Kapatid Network.

Sa mga panahong ito ay naging malaking balita rin ang paglilipat ng malalaking artista ng ABS-CBN at GMA dahil umano sa nakakalulang offer ng TV5 na mahirap tanggihan. Bukod pa rito ang sinasabing assured payment na kahit walang show ay makatatanggap sila ng suweldo.

Naging malaking banta sa simula ang TV5 sa dalawang nagbabanggaang network dahil sa napakagrandiyosong plano nito lalo na sa larangan ng entertainment.

Ang isa sa pinakama­laking pinag-usapan ay ang paglipat ni Sharon Cuneta mula sa 23 taon niyang pagiging isang Kapamilya. P1 bilyon umano ang naging katapat nito pero hanggang ngayon ay hindi ito kinukumpirma ng Megastar.

Makalipas ang tatlong taon ay bumalik din siya sa Kapamilya network. May kuwento na ibinalik ni Sharon ang bayad sa mga nalalabing taon niya sa TV5.

Pinag-usapan din ang paglipat ng singer na si Ogie Alcasid na matapos ang dalawang dekada sa GMA 7 ay isang mataas na posisyon sa TV5. Pero, lumipat din ito sa ABS-CBN matapos mag-expire ang kanyang kontrata.

Ganito rin ang naging kaso ni Richard Gutierrez na matapos maging isa sa mga pambato ng Kapuso ay nagtawid bakod din sa Ka­patid network, pero ngayon ay nasa Kapamilya naman.

Ganu’n din naman ang TV host-show producer na si Willie Revillame na tinanggap ng ABS-CBN ang kanyang hamon na magri-resign matapos ang mga alegasyon nito na mara­ming hindi natupad sa kanyang kontrata dito at lumipat din sa TV5. Pero ngayon ay nasa GMA na ang kanyang pamosong show sa ilalim ng bagong pangalan na ‘Wowowin’.

Sa halos pitong taon din na pakikipagpaligsahan ng TV5 sa ABS-CBN at GMA 7, nanatili itong poor third sa kompetis­yon hanggang napabalita na nga ang pagbagsak ng entertainment prog­ramming nito dahil bigo sa ratings game kaya walang commercial na pumapasok na siyang bloodline ng isang show.

Hangga’t dumating na nga sila sa punto na nag-reprogramming ulit at nag-focus sa sports at nakipag-partner sa ESPN.

Ang sobrang laking mga talent fee na ibinigay nila sa mga artista para maengganyong lumipat sa kanila ang sabi-sabing nagpabagsak sa TV5. Hindi naman umano kasi nagamit talaga ang karamihan sa mga artistang may guaranteed contract.

May ibang pinapirma sa kanila na guaranteed ang talent fee pero hindi naman talaga exclusive ang kontrata sa kanila dahil nakakalabas pa sa ibang istasyon.

Hindi rin umano nakapagplano o nakapag­labas ng mga bagong show ang TV5 na puwede nilang mapagsama-sama ang mga big star nila.

Nagkaroon ng image na sobrang dami ng pera ang TV5, kaya ang mga artistang kinukuha nila, natural na nag-demand ng napakalaking talent fee na kinagat naman nila. At ang isa pa sa na­ging problema nila, hindi naging maayos ang publicity and promotion nila.

Si Derek Ramsay ang pinakahuling artista na kumalas sa TV5.

Ipinagpalit ni Derek ang mabangong career niya sa ABS-CBN noon upang pumunta sa Kapatid Network dahil na rin sa offer sa kanya na ma­ging bahagi ng ilan nitong sports program.

Nabiyayaan naman si Derek ng mga series na bida siya. Memorable sa kanya ang pagganap niya bilang ‘Kidlat’.

Nakakapanghinayang ang pagsara ng entertainment division ng TV5 dahil malaki pa naman ang ginastos nila sa pag-build up ng sarili nilang mga artista. Gumaya ang TV5 sa paraan ng pag-discover ng GMA 7 at ABS-CBN 2 para magkaroon sila ng mga homegrown talent nila.

Bukod sa mga naging discovery nila, kinontrata rin nila ang ibang artista tulad nila Sharon Cuneta, Willie Revillame, Ogie Alcasid, Ruffa Gutierrez, Derek Ramsay, Lorna Tolentino, Alice Dixson, Gelli de Belen, Daniel Matsunaga, Edu Manzano, Tuesday Vargas, Nadine Samonte, Martin Escudero, Rainier Castillo, Meg Imperial, Arci Muñoz, JC de Vera at Jasmine Curtis-Smith. Pero lahat sila ay wala na sa TV5.

Sinubukan ni MVP na kontratahin ang malala­king artista ng parehong network pero sa dami ng kinontrata nila na balitang bilyon ang halaga ay sina Ogie Alcasid at De­rek Ramsay lang umano ang nagtapos ng kontrata nila sa loob ng ilang taon. Ang iba ay kumalas na bago pa matapos ang kanilang kontrata. 

TIMELINE

Oktubre 20, 2009 inanunsyo ng Media Prima na ibibenta ang kanilang share sa TV5 sa PLDT broadcasting division, Media Quest Holdings Inc.

Marso 2, 2010 pormal na inanunsyo ni PLDT chairman Manuel V. Pangilinan ang pagbili sa TV5 at inihayag na magkakaroon ng mga pagbabago sa programming ng network na tatawagin nilang ‘Kapatid’.

Oktubre 1, 2010 nag-take over ang TV5 sa ma­nagement ng Media Quest’s Nation Broadcasting Corporation stations.

Disyembre 23, 2013 nagsimula mag-broadcast ang network sa bago nitong headquarters sa TV5 Media Center sa Mandaluyong City.

Enero 23, 2015, nagpalit ng corporate name ang network na mula sa dating pangalan nito na ABC Development Corporation ay naging TV5 Network Inc.

Setyembre 2015 nang umalis si Wilma Galvante bilang Chief Entertainment Content Officer ng TV5. Pinalitan siya ng Viva Entertainment head na si Vicente ‘Vic’ del Rosario bilang bagong Chief Entertainment Strategist.

Setyembre 8, 2016 kinansela ng TV5 ang mga locally produced programs nila sa Cebu at Davao dahil sa cost-cutting.

Setyembre 30, 2016, nagbitiw sa kanyang puwesto si TV5 president and CEO Emmanuel Lorenzana. Pinalitan siya ng basketball coach at Sports5/D5 studio head na si Chot Reyes.

Kasunod ng appointment ni Reyes ay inanunsyo ng network na magtatanggal sila ng may 200 empleyado bilang bahagi ng TV5 digitalization.

Oktubre 12, 2017 inanunsyo ng TV5 division, Sports5, ang partnership nila sa ESPN para sports programming.