Una sa Balita

MVP, Consunji dinamay sa endo ang Maynilad

By
0 439

Naghugas-KAMAY ang Maynilad Water Services Inc. sa isyu ng paniningil ng mga tauhan nito sa mga bahay sa Las Piñas para sa pagpapasipsip ng poso negro.

Ayon kay Maynilad Corporate Affairs head Jennifer Rufo, outsourced ang mga taong naniningil sa Las Piñas na hindi nagbibigay ng resibo at tinukoy niya ang kompanya bilang Environkonsult.

Ani Rufo, “May­nilad is very strict in requiring our desludging service contractor to manage its personnel so that these personnel would not extort money from customers in exchange for providing Maynilad’s desludging service.”

Tinanong ng Abante si Rufo kung paano masusuri ng mga customer ng Maynilad kung outsourced o hindi ang mga pinapadala nito sa mga bahay lalo na’t may nakasulat na Maynilad sa uniporme nila at dala-dala nila ang malalaking trak na may logo din ng Maynilad, ngunit dinedma niya ang katanungan.

Ang pagpapasipsip ng poso negro ay sakop ng sewage system services na isa sa mga pangu­nahing tungkulin ng Maynilad na hindi lang basta-basta ina-outsourced. Ang ganitong kalakaran ay ginawa din ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan sa isa pang kompanyang minamay-ari nito, ang PLDT Inc. Kasosyo ni MVP sa Maynilad si Isidro Consunji ng DMCI.

Dahil sa paglabag sa batas-paggawa, inutusan ng Court of Appeals (CA) ang PLDT na ga­wing regular ang mga lineman na naka-endo.

Kasalukuyang pinaiimbestigahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang paniningil ng mga tauhan ng Maynilad para sa pagpapasipsip ng poso negro dahil kasama na ito sa monthly bill bilang environmental charge na katumbas ng 20% sa buwanang bayarin.

Ang MWSS ang nag-aapruba sa pagtataas ng singil ng Maynilad at ginagawa lang ito kada limang taon. Ayon pa sa ilang residente ng Las Piñas, hindi man lang nagbibigay ng resibo ang mga tauhan.

Sinabi ni Rufo noon pang Oktubre 24 na pinapa-reimburse na ng Maynilad sa kontraktor ang mga siningil nito sa mga residente sa Las Piñas pero hindi pa ito nangyayari hanggang ngayon.

Sabi din ni Rufo, mapaparusahan ang kanilang kontraktor pero iniim­bestigahan pa ng kompanya ang mga pangyayari.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy