Una sa Balita

Mutya ng Pasig

By
0 78

“Kung gabing ang buwan sa langit ay nakadungaw;
Tila ginigising ng habagat sa kanyang pagtulog sa tubig;
Ang isang larawang puti at busilak,
Na lugay ang buhok na animo’y agos;

Ito ang Mutya ng Pasig,
Ito ang Mutya ng Pasig.

“Sa kanyang pagsiklot sa maputing bula,
Kasabay ang awit, kasabay ang tula;
“Dati akong Paraluman,
Sa Kaharian ng pag-ibig,
Ang pag-ibig ng mamatay,
Naglaho rin ang kaharian.

“Ang lakas ko ay nalipat,
Sa puso’t dibdib ng lahat;
Kung nais ninyong akoy mabuhay,
Pag-ibig ko’y inyong ibigay.”

Ito po ang letra ng kundiman na “Mutya ng Pasig” ni isinulat ni Nicanor Abelardo at tinitikan ni Deogracias del Rosario noong 1926. Isinapelikula ito ng kanyang direktor na kapatid na si Richard Abelardo sa ilalim ng LVN Films.

Sinasabing ang na­ging inspirasyon ng magkapatid na Abelardo sa kanilang mga katha ay ang nakabibighaning ganda ng Ilog Pasig, na siyang pinakamahaba at pinakamalaking ilog ngayon na tumatagos sa Metro Manila.

Wala na siguro nga­yon sa atin ang nakasilay sa angking ganda at halimuyak ng Pasig River na makikita sa pelikula at iwinawangis ng mga titik ng kanta dahil marami sa atin ang namulat na sa napakasamang kalagayan ng ilog bunga ng dekadang pagpapabaya at pang-aabuso.

Ilang mga Presidente na rin ang dumating at umalis. Naging agresibo at ambisyoso ang administrasyon ni dating Pa­ngulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa muling pagbuhay ng ilog ngunit pagpasok ng 2010, itinigil at ipinahinto ang lahat ng mga ginagawa rito hanggang 2016.

Ngunit kahit tatlong taon pa lang ang lumilipas mula noon, mukhang may magandang kinabukasan na muli ang Pasig River.

Noong Martes ng nakaraang linggo, kinilala sa isang pandaigdigang kumpetisyon ang rehabi­litasyon ng Ilog Pasig. Ang patimpalak na ito ng International River Foundation (IRF) ay kumikilala sa mga matagumpay na pag-revitalize ng mga daluyang tubig.

Pinuri ng orga­nisasyon ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa ginanap na 21st International Rivers Symposium sa Sydney, Australia dahil sa tagumpay nitong mu­ling buhayin ang Pasig River, na idineklara nang biologically dead noong 1990s. Naungusan natin ang ginagawa sa Yangtze River sa China para sa kaunahang Asia RiverPrize Awards.

Tulad ng ginawa ng kasalukuyang admi­nistrayon sa Boracay, makikitang Political Will ang kailangan para sa mga bagay na sinasabing imposibleng gawin ngunit kaya naman pala.

Magtuloy-tuloy lang ang magandang trabaho ng PRRC ay nakakatuwang isipin na kung ang henerasyon man natin ay napagkaitan ng kagandahan ng Ilog Pasig, ay maaari pa natin itong maibalik at maipamana sa ating mga anak at mga susunod na henerasyon.