Una sa Balita

Muslim kulong sa pagmumura sa 2 pulis

By
0 1,985

Kulungan ang bagsak ng isang 37-anyos na Muslim matapos na bastusin, murahin at takasan ang dalawang bagitong pulis na aaresto sana sa kanya dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo na walang lisensya sa ikinasang anti-criminality operations, kamakalawa ng hapon sa Marikina City.

Nakilala ang suspek na si Hadji Juatas y Guarino, residente ng 175 Ipil St., Brgy. Marikina Heights, Marikina City na agad na sinampahan ng kasong unjust vexation at disobedience and resisting­ arrest to the agent of person in authority dahil sa ginawa nito sa dalawang alagad ng batas.

Batay sa report, nagsagawa ng anti-criminality operations ang mga tauhan ng PCP 9 ng Marikina police bandang alas-4:30 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Champaca St. corner Tanguile St., sakop ng Barangay Marikina Heights, kung saan pinara at pinahinto nina PO1 Jeffrey­ San Andres at P01 Ariel Dela Cuesta ang motorsiklo na minamaneho ng suspek.

Dahil sila ang nakatoka sa pagsisiyasat, hiningan ng lisensya at rehistro ng motorsiklo ang suspek upang malaman kung ligal umano ang kanyang pagmamaneho subalit walang maipakitang dokumento ang suspek at umano’y galit pa nang harangin ng dalawang pulis.

Mag-iisyu na sana ng violation receipt si PO1 San Andres nang biglang humarurot ng takbo ang suspek sakay ng motorsiklo at sabay na pinagmumura ang dalawang pulis.

Agad na hinabol ng dalawa ang suspek hanggang sa ma-trap na ito at nagawa pang manlaban ng suspek kahit na nahuli na ito.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Mari­kina detention cell habang hinihintay ang pagdinig ng kanyang kaso.