Una sa Balita

MURANG KURYENTE!

By
0 9

Puntirya ng isang kongresista na gamitin ang Freedom of Information (FOI) na ginawang executive order kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte para kalikutin ang bentahan ng kuryente sa hanay ng mga power producers at distributors. Ang resultang inaasahan: murang kuryente para sa publiko.

Ang hakbang ay isinusulong ngayon ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez dahil simula noong isabatas ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) noong 2001 ay hindi pa rin naibubuyangyang sa publiko ang bentahan ng kuryente sa merkado.

“Unfortunately, fifteen years after the approval of EPIRA, its intention of bringing down the rates through the cultivation of market competition remains elusive,” ani Benitez habang ipinupunto na hindi alam ng publiko ang mga nangyayaring bentahan ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Dahil dito, kailangang magamit na, aniya, ang FOI at obligahin ang Ener­gy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng transpa­rent bidding process sa bentahan ng supply ng kuryente.

Kasabay nito, nais ng mambabatas na amyendahan ang nasabing batas upang buwagin ang monopolyo sa industriya ng kuryente na isa sa mga dahilan kung bakit napakamahal ng kuryente sa bansa.

Sa ilalim ng kanyang House Bill No.84, sinabi ni Benitez na ginagamit ng mga power industry players ang butas ng batas para pasukin ang WESM na dapat ay independent na nagreresulta sa malawakang kartel.

“For instance, even with the introduction of WESM, distribution utilities are still allowed to enter into bilateral supply contracts. The 2013 USAID (United States Agency for International Development) study reported that majority of the energy sales in WESM are not spot sales,” anang mambabatas.

Lumabas din umano sa USAID report na 90% sa kuryente ay idinadaan sa bilateral agreement kaya pinaniniwalaang nagkakaroon ng sabuwatan sa pagitan ng distribution at generation utilities.

“And thus, negate the intention of the EPIRA,” ani Benitez kaya panahon na, aniya, para amyendahan ang batas na ito dahil base, aniya, sa pag-aaral ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), 11%-15% ng income ng mga karaniwang manggagawa ay napupunta lang sa pambayad sa kuryente.