Una sa Balita

Multong pugot sa campus

0 345

MISTERYO
Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo kayo ba ay nasindak na sa kuwentong karanasan ng gumagalang multong pugot sa inyong eskuwelahan?

Yan ang ating misyon: “Kapag may Misteryo, alamin ang Totoo!”
Kuwento sa #TeamMisteryo ni Mica ng Batangas, ilang beses na siyang naka-rinig ng gunagalang multong pugot sa kanilang school campus bagaman ayaw niyang maniwala.

Karaniwang pinagpapakitaan ay mga estudyante na inaabot ng dilim sa klase sa GP Hall ng isang sikat na eskuwelahan sa Metro Manila.

Lingguhan kung umuwi ng Batangas si Mica ngunit isang Biyernes ay inabot siya ng dilim na nasa school campus pa siya. Karaniwan ang kanyang huling klase ay sa ibang building ngunit meron siyang kailangang I-research kaya’t dapat siyang bumalik sa GP hall para sadyain ang library dun.

Bagaman hindi naman takot sa mga kuwento ng multo si Mica dahil wala pa naman siyang nakikitang multo ay hindi siya kinabahan nang padilim na ay papunta siya sa GP hall. Maayos naman siyang nakapasok sa library at nakapag-research. Mag-a-alas-8 ng gabi nang magdesisyon siyang lumabas, kailangan pa niyang habulin ang biyahe pa-Batangas.

Naglalakad na siya sa hallway nang may napansin siyang anino sa dulo dahil madilim na at iilang ilaw lang ang nakasindi ay hindi niya masyadong maaninag ang p­aligid. Inisip naman niyang janitor ng eskuwelahan ang anino.
Habang papalapit siya sa anino ay nagtataka siya tila hindi naman ito gumagalaw. Nag-isip tuloy si Mica kung may rebulto sa gawing yun ng GP Hall.

“Marahil may inilagay na life-size standee baka may palabas sa GP theatre,” ang tumatakbong haka-haka sa isipan ni Mica.

Ilang hakbang na lang ang kanyang layo sa inakala niyang standee ay naaninag na niya ang puting kasuotan nito ngunit, nagtataka siya, bakit tuwid ang hugis nito bagaman katawan ng tao.

Ayaw nang tignan ni Mica ang sa palagay niya ay ‘standee’ nang saktong paliko na siya sa dulo ay may sumitsit sa kanya, sa kanyang paglingon ay nasindak siya sa nakita, isang nakaputing lalaki na walang ulo ang pinagmulan ng sitsit.

Parang binihusan ng malamig na tubig si Mica at napansin niyang papalapit sa kanya ang multong pugot. Kumaripas ng takbo si Mica na nagtitili palabas ng GP

Hall at palingun-lingon. Wala siyang makitang ibang tao. Ayaw niyang lumingon baka nasa likod lang niya ang multong pugot.

Halos malagutan siya ng hininga sa sobrang hingal niya nang makarating sa isang guard house.

“Miss anong nangyari sayo? Ikaw ba yung nagtitili sa GP

Hall? Naku baka nakita mo siya?” mga tanong ni mamang guard kay Mica.

“Ako nga po nagsisigaw Wala po akong makitang tao. May taong walang ulo ang sumitsit sa akin, “ sagot ni Mica.

Ang karanasan ni Mica ay maaaring maranasan din ng iba. Hindi kaila na may mga gumagalang multo sa ating paligid. Pag kayo ay nakakita o nagparamdam sa inyo, mainam na alayan sila ng panalangin para sila’y manahimik na.

Para sa inyong mga kuwento at karanasang kababalaghan at katatakutan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin websites ng Abante at Abante Tonite pati sa www.reytsibayan.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy