Una sa Balita

Muli, pananagutan

By
0 111

Muli na namang binaha ng imahen ng baha ang ating mga telebis­yon at social media nitong nagdaang linggo. Kaliwa’t kanan ang balita ng evacuation.

Kung pagbabatayan naman ang social media, maya’t maya ay may nagpaparamdam na sila ay ligtas sa pagbaha. Mabuti naman. Maganda ang “(insert name ng ka-FB) marked herself as safe during The Flooding Across Metro Manila, Philippines.” Huwag lang sanang abusuhin ng ilan.

Nakatulong muli ang tradisyonal na media at ang new media para sa pagpapaabot ng mensahe sa sambayanan: Saang lugar ang baha? Ilan na ang inilikas sa evacuation center? Saang lugar nangangailangan ng tulong? May pasok pa ba sa eskuwela? Uulan ba bukas? Ano ang maaari nating itulong sa nasalanta?

Muli rin, tumambad na naman sa atin ang mukha ng kalamidad. At kasabay nito, muling nangibabaw ang sinasabing isa sa pangunahing katangian nating mga Pinoy. Resiliency, o hindi basta-basta nagagapi ng pagsubok.

Bagamat magandang katangian ang resiliency, masasabi kong hindi dapat dito ituon ang ugali kung paano natin natatawid ang bawat suliranin sa buhay. Sa lahat ng nangya­ring kalamidad, dapat may managot. Dapat mayroong may pananagutan, o accoun­tability, sa nangyaring kalamidad.

Oo, karaniwan na ang habagat sa panahong ito. Mas nagiging masidhi lang marahil dahil sa global warming, pero ang palala nang palala ay ang pagbaha.

Muli na naman na­ting nakita ang uri ng pagbaha, halimbawa sa Marikina, na animo’y putik ang umaagos imbes na tubig. Malinaw na may erosion kung kaya natatangay ang lupa buhat sa matataas na lugar.

Sa bahagi ng Kamaynilaan at ilang karatig lalawigan naman, mapapanood natin ang mga ulat na bumaha ng basura o kung hindi naman ay nagbara ang estero dahil sa nakabarang tone-toneladang basura.

Ang tungkulin para pangalagaan ang kalikasan ay hindi lamang dapat nakaatang sa gobyerno. Oo, may buwis tayong dapat ay nararamdaman natin ang silbi, pero may kani-kaniya tayong papel – may pananagutan – para sa ikaayos ng ating pook.

May pananagutan ang nasa pamahalaan at marapat silang managot. Walang dapat santuhin. Buhat sa pinakamataas, maaaring sa Palasyo, hanggang sa pinakamababang sangay, ang barangay.

Pananagutan dapat higit sa resiliency. Ang resiliency ay lagi nang pagtitiis. Sinusukat kung gaano tayo katibay sa pagharap sa mga problema, kung gaano tayo kabilis mag-move on sa pagpapahirap. Samantala, wala namang umaako sa responsibilidad kung bakit naghihiganti ang ating kalikasan.

Noong Lunes lamang sinuspende ng DENR ang quarrying sa malaking bahagi sa lalawigan ng Rizal. Malaki na ang sira sa kabundukan sa dalisdis ng Sierra Madre malapit sa Kalakhang Maynila.

Kaya ganoon na lang ang pagragasa ng tubig patungo sa Kamaynilaan at Bulacan pati na ang ibang lalawigan. At ngayong nasalanta na, saka lamang sususpendehin ang operasyon ng quarry na sumira sa kabundukan.

Pero sa lahat ng ito, tiyak na walang mananagot dahil tila wala sa ating lipi ang may pananagutan. Ito ang nakahihiya nating ­katangian.