Una sa Balita

Mula jukebox hanggang entablado

0 309

Di maikakaila na sa mga nagdaang dekada, punong-puno, hitik na hitik at namumulaklak sa mga orihinal na mga awitin ang literatura ng musikang Pilipino. Totoong napakayaman ng musikang Pilipino at buhay na buhay!

Mula plaka na aking nakagisnan hanggang ngayon na nasa digital streaming na, mariri­nig ang mga awiting ito mula sa ating mga cellphones. Marahil marami sa atin ang hindi na nakikinig sa cd o kaya sa plaka.

Naalala ko rin noong araw na maaari mong pakinggan ang mga awiting ito sa tinatawag na jukebox. Isang mala-aparador na may makina para patugtugin ang plaka. Makikita ito sa mga restauran kung saan may inuman. Dito ko narinig ang mara­ming opm tulad ng mga awitin ng bandang Aegis. Bagay na bagay sa ambience ng lugar ang jukebox. Lalo na kung may kainuman. Kailangan lang mag­hulog ng limang piso para matugtog ang nais pakinggan.

Ngunit, ngayong wala ng jukebox, ang mga awitin sa makinang ito ay natransform na sa mga dula. Ginawa nang musikal. Tulad ng mga awitin ng Aegis, ang kanilang mga sikat na kanta ginawa nang dula. Ang Rak of Aegis na handog ng Philippine Educational Theater Association o Peta. Ang dulang ito’y tumatakbo na ng 5 taon at sa susunod na buwan ay muling itatakbo para sa ika-7 season.

Ang dula ay tungkol sa isang barangay na inilubog ng baha, at ang isang inaangklahan sa kanilang pag-ahon ay ang konsyerto ng bidang si Aileen, na anak ni Kiel. At ang inyong abang lingkod, ngayon ay kasali sa musikal na ito. Gaganap ako bilang Kiel, ang ama ng bidang tauhan sa dula na si Aileen. Matagal-tagal din akong hindi umarte sa entabldo at ngayon ay muling sasabak sa kauna-unahang jukebox musikal sa bansa, at pinakamatagal nang itinatanghal.

Ang matagumpay na musikal na ito ay pa­nulat ni Liza Magtoto, direksyon ni Maribel Legarda, direksyong musikal ni Myke Salomon. Makakasama sa dulang ito ang mga bagong salta rin na sina Randy Santiago, Dereck Monasterio, Bayang Barrios, Jenine Desiderio, Lea Patricio, at ang nagbabalik na si Aicelle Santos, ang orihinal na bida sa dula bilang Aileen.

Kasama rin dito sina Robert Seña, Isay Alvarez, Renz Verano, Kakai Bautista, Gerald Napoles, Kim Molina, Sweet Plantado, Pepe Herrera, at ang Peta Kalingan Ensemble.

Mula jukebox aak­yat muli sa entablado sa Hulyo 5 hanggang Septyembre 29, sa Peta Theater.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy