Una sa Balita

Mukhang lumalabo

By
0 951

May nakaumang na banta na mas malupit pa sa ‘batas militar’ ng nagdaang rehimeng Marcos.

Ayon ito kay Sister Mary John Mananzan, isang madre at beteranong aktibista sa maraming mga pagkilos.

Ayon kay Sister Mary, nakalulungkot makita ang pagbagsak ng ‘moralidad’ ng mga Filipino.
Bantulot magsalita at manindigan ang nakararami laban sa hindi makataong pahayag ng mga lider ng bayan.

Ginawa ni Sister Mary ang pahayag matapos magbabala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP laban sa tinawag nitong ‘creeping dictatorship’ sa bansa.

***

May dahilan kung bakit bantulot ang nakararaming Pinoy na sakyan o sumama sa mga pagkilos na may kinalaman sa usaping bayan.

Nadenggoy na sila.

Mula sa rehimeng Cory, Ramos, Estrada, Arroyo at Noynoy Aquino, ano ang kanilang napala sa pagsama sa mga pagkilos? Wala. Nganga.

Sa administrasyong Duterte naghihintay ang masa ng magandang mangyayari sa kanila.

***

Mas pipiliin nga­yon ng masa ang maghanapbuhay para may makain ang kanilang pamilya.

Kung hindi man na­tututo, nag-iingat na si Juan dela Cruz dahil sa mga nakalipas na pagkilos na kinapapalooban ng tinatawag na ‘regime change’ walang magandang nangyari sa kanila.

Ang kahirapan ay nanatili pa rin. Hindi pa rin tiyak ang kaligtasan sa kalsada, kahit nasa bahay ka na ay wala pa ring kasiguraduhan na hindi ka mapapasok ng mga kriminal – ang malungkot, may pagkakataon na alagad pa ng batas ang kriminal.

***

Ano kaya ang magi­ging rekomendasyon ng mga komite ng Kamara at Senado sa isinagawang pagdinig sa kontrobersiyal na bakunang Dengvaxia?

Mukhang lumalabas sa pagdinig ay nag-aaway mismo ang mga ahensiya ng gobyerno.

Imbes na mapanagot ang Sanofi Pasteur na siyang gumawa ng Dengvaxia, baka makalusot pa dahil ang Public Attorney’s Office na siyang nagtatanggol sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia ay mukhang ginigipit pa ng Department of Health at mga doctor mula sa UP-PGH.

Walang natutuwa sa mga nangyayari kundi ang Sanofi at mga kasapakat nito. Habang nagpapalitan ng mga akusasyon ang magkabilang panig, na minsan ay medyo personal pa, tila lumalabo ang pagdinig.