Una sa Balita

MRTirik walang patawad kahit pasko

By ,
0 1,948

Walang patawad sa kanilang mga pasahero ang Metro Rail Transit (MRT) Line 3 sa patuloy na nararanasang mga aberya sa operasyon nito kahit ngayong Kapaskuhan dahilan para mapagbuntunan ng galit ng mga commuter pati si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Narito ang listahan ng mga aberyang nangyari sa MRT-3 base sa datos na nakalap ng Abante mula sa mismong website ng dotcmrt3.gov.ph simula Disyembre 20 hanggang kahapon na pawang technical problem ang dahilan at pinababa ang kanilang mga pasahero:

*Disyembre 20, 8:43 ng gabi sa Magallanes southbound.

*Disyembre 21, 6:10 ng umaga sa GMA Kamuning southbound at 10:11 ng gabi sa Shaw Boulevard northbound.

*Disyembre 22, 12:33 ng tanghali sa Shaw Boulevard northbound.

*Disyembre 23, 5:50 ng umaga sa Boni Avenue southbound at 7:41 ng gabi sa Guadalupe northbound.

*Disyembre 24, 6:16 ng umaga sa North Ave­nue southbound.

*Disyembre 25, 4:15 ng hapon sa North Ave­nue-Quezon Avenue southbound.

*Disyembre 26, 5:48 ng umaga sa Shaw Boulevard southbound.

Nasa Category 3 ang karamihan ng naitalang aberya na ang ibig sabihin ay inalis sa riles ang pumal­yang tren nang walang kapalit.

Ang insidente kahapon ay kabibiyahe pa lang ng unang tren sa Shaw Boulevard southbound nang tumirik ito kaya pinababa na agad ang ilang pasahero.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang paghingi ng paumanhin ng pamunuan ng MRT-3 sa kanilang mga pasahero at asahan umano ang pagbabago ng sistema sa susunod na taon.

Ilang pasahero ng MRT-3 ang hindi na napigilang pagbuntunan ng galit si Secretary Tugade na diumano’y wala pa ring ginagawa sa kabila ng pag-takeover ng DOTr sa operasyon nito.

“Salot na itong ginagawa nila, wala nang katapusan, kahit holiday season walang patawad. Ano’ng ginagawa ni Tugade?” komento ng pasaherong si Romy na araw-araw binubuno ang mahabang biyahe patungo sa kanyang trabaho sa Muntinlupa City galing San Juan.

Samantala, naniniwala si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na mismong ang Kalihim na ang may sablay kaya hindi matuldukan ang puno’t dulo ng problema sa dispalinghadong serbisyo ng MRT-3.

“Dapat mag-resign na si Tugade. Isa’t kalahating taon na siya sa puwesto… wala siyang magawa sa MRT. For delicadeza, mag-resign na siya… wala siyang silbi,” hamon ng kongresista.