Una sa Balita

MRTirik naging LRTumbahan: 34 nasaktan sa banggaan ng tren

0 230

BALIK-OPERASYON ang pagbibiyahe ng mga tren ng Light Rail Transit 2 (LRT-2) matapos ang naganap na salpukan ng dalawang tren na ikinasugat ng 34 katao nitong Sabado (Mayo 18) nang gabi.

Ayon sa pamunuan ng LRT-2, nagkaroon ng technical problem ang tren na posibleng naging isa sa dahilan ng pagkakasalpok ng isang tren na naganap sa pagitan ng Cubao at Anonas Station sa Quezon City.

Kasabay nito ay tiniyak na maayos na ang mga susunod na biyahe ng LRT-2 kunsaan nag-normal na ang operasyon simula kahapon pa nang umaga.

Ayon kina LRTA Administrator Reynaldo Berroya at LRTA Spokesman Hernando Cabrera, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang binuong fact-finding committee sa naganap na salpukan ng dalawang tren.

Paliwanag ni Berroya, bago ang aksidente ay nakahimpil ang train set no. 13 sa pagitan ng Cubao at Anonas station subalit nag-wayward aniya ang tren at biglang pumasok sa dadaanan sana ng train set no. 18 na papuntang Santolan.

Sinabi naman ni Cabrera na mayroong pocket track na parang emergency bay na isang lugar para sa sirang tren. Ang tren aniya na sira ay nasa pocket track sa pagitan ng Anonas at Cubao Station pero sa hindi pa malamang dahilan ay gumalaw ang tinatawag na ‘dead train’ at bumangga sa isang bumabiyaheng tren na paparating sa lugar.

Sa ulat ay umabot sa 30 pasahero at apat na personnel ng LRTA ang sugatan dahil sa nasabing aksidente na naganap dakong alas-9:51 nang gabi.

Nang maisugod sa pagamutan, agad na binisita nina Berroya, kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan ang mga biktima at tiniyak sa mga ito na sasagutin ng DOTr at ng LRTA ang kanilang mga medical bill, follow-up checkup at maging ang kanilang loss of income dahil sa insidente. (Vick Aquino/Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy