Una sa Balita

MRTirik Fake News daw!

Kampo ni Tugade napikon

By
0 9,047

Binuweltahan ng ilang kongresista ang kartada ng Department of Transportation (DOTr) na walang pagtirik ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) nitong Kapaskuhan.

Depensa ng DOTr sa ipinadalang liham sa Abante na pirmado ng Director for Communications ng DOTr na si Goddes Hope S. Oliveros na tauhan ni DOTr Sec. Arthur Tugade, fake news ang napaulat na pagtirik ng tren ng MRT-3 bago sumapit, pagsapit at pagkatapos ng Araw ng Pasko.

Nakasaad sa email ng DOTr official ang katagang, “Ang mga taong nagpapakalat ng fake news, kasinungalingan, at mga mali at mapanirang impormasyon ang siyang totoong salot ng bayan.”

Ang nilalaman ng email ng opisyal ay bilang reaksyon sa banner ng Abante na ‘MRTirik WALANG PATAWAD KAHIT PASKO: Salot si Tugade.”

Matatandaang sa nasabing headline ng Abante noong Disyembre 27 ay iniula­t ang ilang ulit na pagkasira ng tren na naka­paskil sa mismong website ng dotcmrt3.gov.ph simula Disyembre 20 hanggang Disyembre 26 na pawang technical problem ang dahilan at pinababa ang kanilang mga pasahero.

*Disyembre 20, 8:43 ng gabi sa Magallanes southbound.

*Disyembre 21, 6:10 ng umaga sa GMA Kamuning southbound at 10:11 ng gabi sa Shaw Boulevard northbound.

*Disyembre 22, 12:33 ng tanghali sa Shaw Boulevard northbound.

*Disyembre 23, 5:50 ng umaga sa Boni Avenue southbound at 7:41 ng gabi sa Guadalupe northbound.

*Disyembre 24, 6:16 ng umaga sa North Avenue southbound.

*Disyembre 25, 4:15 ng hapon sa North Avenue-Quezon Avenue southbound.

*Disyembre 26, 5:48 ng umaga sa Shaw Boulevard southbound.

Nasa Category 3 ang karamihan ng naitalang aberya na ang ibig sabihin ay inalis sa riles ang pumal­yang tren nang walang kapalit.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang paghingi ng paumanhin ng pamunuan ng MRT-3 sa kanilang mga pasahero at asahan umano ang pagbabago ng sistema sa susunod na taon.

Maliban sa Abante ay naging paksa rin ng komentaryo sa DZMM, DZBB at iba pang istasyon ng radyo ang walang patawad na aberya ng MRT.

Kaya naman sinabi ni Akbayan Representative Tomasito ‘Tom’ Villarin na mukhang tulala at nakanganga lang ang DOTr sa problema.

Lumilitaw aniya na dahil sa ganitong alibi o palusot ay talagang hindi alam ng DOTr kung gaano katindi ang problema ng naturang train line system­.

“I think DOTr doesn’t know the reality­ about the gravity­ of the MRT problem. It’s faking themselves to believe that everything is running smoothly,” reaksyon ni Villarin.

Samantala, si ACT Representative France Castro naman ay naniniwala na pilit lang lumulusot ang DOTr sa hindi maresolbang problema at kunsumisyong dulot ng palpak, palyado at dispalinghadong ope­rasyon at serbisyo ng MRT 3.

“Bakit hindi sila mag-imbestiga? Pinagtatakpan lang nila kapalpakan nila,” pagdidiin ni Castro.