Una sa Balita

MRTirik Day 30: 800 pasahero pinababa sa Ortigas

By
0 1,572

Malaking abala na naman ang idinulot sa mga pa­sahero ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 matapos na tumirik ang isang tren nito sa south bound ng Ortigas station kung kailan rush hour pa bandang alas-8:21 kahapon ng umaga.

Batay sa advisory ng pamunuan ng MRT-3, nagkaroon na naman ng electrical failure sa motor ng tren kaya napilitan silang magpababa ng may 800 mga pasahero.

Sa panayam ng Abante kay Maricel Matic, re­gular na pasahero ng MRT-3, sinabi nito na hindi niya inaasahan na magkakaroon muli ng aberya sa mga tren dahil naging maayos naman ng ilang araw ang takbo nito matapos umusok ang isang bagon noong Biyernes.

“After ng sunog akala ko wala nang aberya pa ang MRT pero nagsimula na naman ito kaninang umaga kung kailan nagmamadali na kami ng pasok at rush hour pa rin po kahit ganu’ng oras,” ayon kay Matic.

Dagdag pa nito, halos nagrereklamo na ang mga pasahero sa naganap na pagpapababa sa kanila at balik naman sila sa mahabang pila at siksikan para makasakay muli ng tren.

“Umaalis ako ng bahay na maayos ang suot ko at mabango, pagdating sa MRT, grabe mawawarak ang damit mo sa siksikan at halos naliligo ka na sa pawis dahil sa dami ng tao na umaasang makasakay ng tren, pakiusap huwag naman po sanang rush hour,” ayon pa kay Matic.

Umabot ng walong minuto bago nakasakay muli ang mga pasahero sa sumunod na tren.

Muli rin humingi ng paumanhin ang pamunua­n ng MRT-3 sa mga pasaherong naapektuhan ng ­aberya. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy