MRT maintenance provider walang kontrata — solon

By

Mistulang binalaan ng isang Kongresista si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na sasabit ito kapag binayaran ang maintenance provider ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 na Busan Universal Rail Inc. (BURI).

Sa isang radio interview, sinabi ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles, na dapat kanselahin nang tuluyan ang kontrata ng BURI dahil bukod sa palpak ang serbisyo ng kompanya sa laging si­rang mga tren ng MRT, hindi umano pirmado ang kontrata nito sa dating Department of Transportation and Communications (DOTC).

“’Yung kontrata ay unsigned kaya iligal. Dahil iligal, bawal bayaran. In fact nag-iwan ako ng babala kay Secretary Tugade. Kung babayaran niya ‘yung kontrata na ito, maaari siyang isama sa mga future na kaso tungkol sa kontratang ito,” babala ni Nograles.

Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag dahil hindi umano kinansela kundi sinuspinde lamang ng DOTr ang bayad sa BURI na nagkakahalaga ng P200 milyon, sanhi ng masamang serbisyo ng kompanya sa maintenance ng MRT.

Kaya umano ng gobyerno na patakbuhin pansamantala ang MRT-3 tulad ng ginawa sa Light Rail Transit at Philippine National Railways habang naghihintay ng bagong maintenance provider. 

SHARE