Una sa Balita

MRT-3 nag-partial operation sa nasirang kable

0 186

WALA nang nagawa at napilitan ang mga mananakay na humanap ng alternatibong masasakyan upang makarating sa kani-kanilang trabaho at eskuwela makaraang magsuspinde ng biyahe ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) dahil sa kawalan ng sapat na suplay ng kuryente bunsod na rin ng isang naputol na kable kahapon nang umaga.

Batay sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), dakong alas-6:17 nang umaga ay naputol ang Overhead Catenary System sa northbound ng Guadalupe Station ng MRT-3 kaya’t pagsapit ng alas-6:42 nang umaga ay nagsuspinde sila ng biyahe dahil hindi umano sapat ang suplay ng kuryenteng dumadaloy sa kanilang linya.

“Operations of the MRT-3 was suspended at 6:42am today due to a cable of the Overhead Catenary System (OCS) being cut at Guadalupe Station (NB), which caused insufficient power supply from Shaw Boulevard to Santolan,” ito ang pahayag ng DOTr-MRT3.

Kaagad namang nag-deploy ng mga manggagawa sa lugar ang DOTr upang kumpunihin ang nasirang kable.

Nagpakalat din sila ng mga karagdagang bus, military truck at MMDA bus upang maghatid ng kanilang mga pasahero patungo sa kanilang destinasyon, habang ang iba naman ay humanap na lamang ng alternatibong transportasyon upang makarating sa kanilang patutunguhan.

Pagsapit ng alas-9:45 nang umaga ay nakapagpatupad na ang MRT-3 ng provisional service o limitadong biyahe sa pagitan ng North Avenue at Shaw Boulevard Station at pabalik.

“Passengers are now able to board the train as the MRT-3 implements partial operations from North Avenue Station to Shaw Boulevard Station at 9:45AM today (Biyernes), Works are also ongoing to restore Full Service between North Avenue and Taft Stations before 5PM today.” ani ng DOTr

Maglalabas na lamang umano sila kaagad ng abiso kada oras hanggang sa tuluyan nang mabalik sa normal ang kanilang operasyon.

Agad naman humingi ng paumanhin ang pamunuan ng DOTr-MRT3 at tiniyak na masusi nilang iimbestigahan kung ano ang naging dahilan nang pagkaputol ng kanilang overhead catenary cable.

Habang isinusulat naman ang balitang ito ay patuloy pa ang pagkukumpuni sa nasirang kable kaya’t partial operation pa rin ang takbo ng tren. Tiniyak ang kanilang full service mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue bago mag-alas-singko nang hapon ng Biyernes. (Armida Rico/Vicky Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy