Una sa Balita

MR. PEDICAB

0 311

Unang labas

Mas gusto kong tawagin akong John, pero naka­sanayan na ng lola ko at mga pasahero ko ang palayaw kong Juan. Para sa akin, ang buhay ng tao, parang isang biyahe lang, may maigsing biyahe at meron din namang mahaba.

Sa bawat pasaherong maisasakay mo, merong magpapasaya sa’yo meron din namang magiging dahilan ng kalungkutan mo…pero sa lahat ng naging pasahero sa buhay ko, isang tao lang ang nakapagpatibok ng puso ko…

“Buhos na ulan aking mundo’y lunuring tuluyan!” ‘yan ang pamatay na kanta ko kapag ganitong umuulan. Paano’y alam kong kikita na naman ako ng malaki sa mga pasahero. Konting ulan lang kasi ay nagbabaha na agad dito sa lugar namin sa Malabon kaya no choice ang mga walkers kundi maging passengers!

“O sakay na, sakay na, kung meron kang bente, sa gwapong driver, ikaw ay masuwerte!” palipad hangin ko sa mga nag-aabang na pasahero.

“Hoy Juan, sasakay naman ako kahit hindi ka tumula ng pasala-sala eh!” si Aling Flor na tindera ng gulay sa palengke.

“Juan ako muna, nagmamadali ako eh!” si Alondra na office girl sa Makati. Nakupo, magpapahatid na naman sa’kin to hanggang LRT.

“Naku Alondra sensya na, malalim ang baha sa Sangandaan hindi ako pwede ro’n! Saka bawal na ang pedicab ko ron baka makipagpatintero na naman tayo sa mga traffic enforcer niyan!”

Napatingin ako sa waiting shed. Nangislap ang mga mata ko dahil nakita ko na naman ang apple of the eye ko. Hindi ko na pinansin ang tawag ng mga pasaherong gustong sumakay sa’kin kasi mabilis kong pinaandar si Mr. Pedicab ko palapit kay Mary Grace o better known as Gracia. Ang nag-iisang anak ni Kapitan Manolo Valdez. At ang nag-iisang babae sa puso ko!