Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-9 na labas

“Ano naman ang mapapala natin kung meron o walang multo sa bahay na ‘yon?”

“A basta, yes or no lang naman ang kailangan mong sabihin eh!”

Saglit na nag-isip si Rick.

“Okay sige, pag natalo mo ako dito sa chess sasamahan kita diyan sa kalokohan mo, pero pag ikaw ang natalo hindi ka na mangunguha ng ara­tiles do’n kahit kelan, maliwanag?”

“Aprub!”

Makalipas ang ilang minuto.

“Yes! Checkmate!” sigaw ni Ligaya na biglang natumba  sa upuan na ikinalingon sa kanila ng nanay niyang nagsasampay at ng tatay niyang kasalukuyang bumababa sa tricycle, mula sa barber shop nila.

“Sorry bff, napatayo ako hindi kasi ako makapaniwalang natalo mo ‘ko, nalaglag ka tuloy sa bangko!” tinulungan ni Rick na makatayo rin ang dalaga mula sa pagkakatumba nito.

Ang ending, tatlo silang sumampa sa bakod ng malaking bahay.

“Ligaya, hindi na ba magbabago ang isip mo?”

tanong ni Lupe na nahihirapan sa paglakdang sa bakod dahil nakapalda pa ito.

“Oo nga Ligaya, e pintuan pa lang nakakatakot na oh!” segunda ni Rick kay Lupe na inalalayan ang dalaga sa pagbaba sa gate.

“Alam n’yo kayong dalawa panira kayo eh, eto na eh, andito na tayo atras pa ba ang drama, abante na lang tayo okay?”

Nagkatinginan sina Lupe at Rick. Pero wala silang nagawa kundi ang sumunod sa dalaga. Marahan ang bawat hakbang nila palapit sa pintuan ng bahay. Nasa likuran lang sila ni Ligaya.

“Okay, eto na…” unti-unting pinihit ni Ligaya ang door knob.

Related Posts

“Nakabukas?” muling nagkatinginan sina Lupe at Rick.

Humakbang si Ligaya papasok sa loob. Atubili man ay sumunod pa rin sa kanya ang dalawa. Halos sabay-sabay silang nagbukas ng flashlight dahil kahit hindi pa gabi ay madilim na ang loob ng bahay.

Suminghot-singhot si Lupe sabay hatsing ng malakas ni Ligaya.

“Yuck!” si Rick.

“Pa’no naman allergic ako sa amoy ng mga bulaklak lalo na ang Sampaguita sa’n ba nanggaling ang amoy na ‘yon?” reklamo ni Ligaya.

Nang biglang bumukas ang ilaw.

“EEEEEE!” halos sabay na tili ng dalawang babae sa gulat.

“O.A. naman kayo, natuunan ko lang ng kamay ko ang switch ng ilaw!” natatawang sabi ni Rick. Pero ang ngiti sa labi ay biglang napawi at lahat sila ay napatingala sa ilaw at napaikot ang mga mata sa paligid. Nagtataka.

“L-Ligaya…m-may ilaw…at may mga photo frame sa ibabaw ng piano… ibig bang sabihin, m-may nakatira dito ngayon?” takot na tanong ni Lupe.

“H-ha?”

Nilapitan ni Ligaya ang mga photo frame. Puro close-up iyon ng lsang lalaki na natatakpan ng hood ang mukha.

“T-teka, eto ‘yung lalaki! Ito ‘yung nakita kong nakatayo do’n sa harap ng pintuan saka nakaupo diyan sa sofa!”

“At hindi mo rin nakita ang mukha niya?” tanong ni Rick.

“Hindi…pero paanong mangyayari na dito siya nakatira. Kailan pa? At saka bakit ganito maski sa picture wala siyang mukha?”

“Ligaya mabuti pa lumabas na tayo, umalis na tayo dito!” aya ni Lupe na takot na takot na.

“Wait lang, relax okay? Inhale, hmmm…exhale hah!” “Ligaya, tara na, baka meron na pala talagang nakatira dito ma-trespassing pa tayo!” si Rick.

“Saglit lang, dito lang kayo aakyat lang ako sa itaas!” (Itutuloy)