Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-6 na labas

“Sa hirap at ginhawa nga pero hindi sa paglutas ng misteryo, basta may involve na katatakutan, out muna ko diyan BESTFRIEND!”

“Ah gano’n, okay fine, gora na’ko!”
Parang nakonsensya naman si Lupe nang tumalikod na si Ligaya.

“Sige na nga, pag-iisipan ko!”

Biglang harap ang dalaga na all smile pa.

“Good! I love you bff, pag-isipan mo ha! Babush!” nag-flying kiss pa si Ligaya sa bff niya bago tuluyang lumabas ng pintuan.

Mula sa pinapasukan, pauwi na si Ligaya nang mapadaan siya sa abandonadong bahay. Huminto siya sa harap ng gate. Kumapit sa rehas nito at iginala ang tingin sa loob ng bakuran.

“Malalaman ko rin kung anong misteryo ang bumabalot sa’yo…” sa isip ng dalaga.

Sa mga sandali ring iyon, tulad ng pagmamasid niya ay meron ding mga matang nakamasid sa kanya mula sa bintana ng malaking bahay. Titig na titig sa maamong mukha na inaaligiran ng mga hibla ng mahabang buhok na sumasayaw sa malakas na ihip ng hangin. Bagama’t humahanga sa kagandahan niya ay sinusukat rin nito ang katapangan niya.

Mula naman sa likuran ng dalaga.

“HOY!”

“AY KABAYONG BALIW!” ang gulat na sambit ni Ligaya nang gulatin siya ni Rick.

“Anong ginagawa mo rito ha, nagbabalak ka na naman bang manguha ng mga aratiles ha?”

“Hindi noh! Wala lang, sinisilip ko lang kung marami ng bunga.”

“Gano’n na rin ‘yon!”

“Bff Rick, naniniwala ka ba sa multo?”

“Oo naman!”

Related Posts

“Ah, e sa aswang?”

“Oo rin, kasi sa lugar ng tatay ko sa Capiz nakakita na raw siya ng totoong aswang, hinabol pa nga nila ng lolo ko ng itak eh!”

“Talaga? Hmmm…” dahil sa sinabi ni Rick ay napaisip si Ligaya. Baka nga hindi guni-guni lang ang nakita niya kundi totoong multo o aswang!

“Teka, bakit mo naman natanong?” tanong ng binata.

“Wala lang, naisip ko kasi hindi kaya may multo na diyan sa loob?”

“Ikaw talaga bff, ang dali mong mapaniwala, joke lang ang sinabi ko, hindi totoo ang mga multo! Hindi ako naniniwala!”

“Talaga? T-teka, ano ‘yon?” may inginuso si Ligaya mula sa mataas na bintana ng bahay.

“Ha? Ang alin?”

“Ayun oh, parang may nakasilip!”

Biglang hinaltak ni Rick si Ligaya palayo sa malaking bahay.

“Tara na nga, naaaning ka na naman eh!”

“Wait lang tingnan muna natin ‘yung multo do’n sa bintana!”

“Umuwi ka na lang sa bahay n’yo at humarap ka sa salamin, makikita mo ang multo titigan mo magdamag!”

“Ah gano’n? So mukha akong multo ha?”

“Isang magandang multo!” sabay pisil ng binata sa magkabilang pisngi ni Ligaya.

Hindi mapakali si Ligaya hangga’t hindi niya nalulutas ang ayon sa kanya ay misteryong bumabalot sa abandonadong bahay. Kaya naman sa muli niyang pagbabalik doon ay hindi na lang plastic ang dala niya para lagyan ng mga aratiles kundi isang bag.

Isang bag na naglalaman ng flashlight, bawang, asin, rosary at back knife na sa tingin niya ay magagamit niya laban sa kung anumang uri ng nilalang ang makaka-encounter niya. (Itutuloy)