Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-5 na labas

Sinundan din ito ng tingin ni Ligaya habang papasok ang kaibigan sa bahay na kalapit ng sa kanila.

“Ate Sol, saglit lang ha, out muna ko, mukhang kailangan ni Lupe ng shoulder to cry on eh.”

“O sige na, gora na bago pa bumaha ng luha dito sa lugar natin!”

Lumakad na si Ligaya papunta kina Lupe nang mapasulyap siya sa haunted house na nasa ‘di kalayuan lang sa bahay nila at tanaw niya mula roon. Sumagi sa isip niya ang lalaking nakaitim na jacke­t na may hood at ang galit na tingin nito sa kanya.

“Sino kaya ang lalaking ‘yon?…aswang kaya siya o baka naman masamang loob lang na nakasabay kong nag-ober da bakod dun? Hmmm…kung ano ka man o sino ka man malalaman ko rin asap…antay ka lang habang nagpaplano pa’ko!” sa isip ng dalaga.

Habang kumakatok sa pintuan ay nasa malaking bahay pa rin ang tingin ni Ligaya kaya naman hindi niya napansing nagbukas na ang pinto at nakatukan niya pati ang mukha ng kaibigan.

“LIGAYA!”

“Ay bff Lupe, sorry naman!”

“Ano bang ginagawa mo rito?” mahinahong tanong ni Lupe.

“Nakita ko kasing parang may problema ka eh…”

“Wala naman…”

“Weh ‘di nga?”

“Wala nga, actually konti lang naman!” sabay pasok ni Lupe sa loob. Sumunod si Ligaya.

“Ano naman ‘yung konti na ‘yon?”

“Y-yung bf ko kasi, konti na lang yata ang pagmamahal sa’kin, kasi hindi na niya ako sinusundo sa school ko,” malungkot na sabi ni Lupe na kumukuha ng Masscom.

“Ano para ‘yun lang? E baka naman busy din siya sa work? Bakit naman ako pumapasok ako at umuuwing mag-isa!” culinary naman ang kinukuha ni Ligaya.

“E wala ka namang boyfriend, ‘di ba?”

Related Posts

 “Oo nga pala…pero ano ka ba, instead na mag-emote ka e bakit ‘di mo na lang siya tanungin ng straight to the point para malaman mo ang reason niya!”

Nagbuntong hininga si Lupe saka pumwesto sa bintana.

“Sana nga gano’n kadali.”

“Asus madali lang naman talaga ang problema mo kaysa sa problema ko!”

Napalingon sa kanya si Lupe.

“Anong problema mo?”

Nilapitan ni Ligaya ang kaibigan at inginuso ang malaking bahay na tanaw nila mula sa bintana.

“‘Yun oh, ‘yung haunted house na ‘yon!”

“What? Namomroblema ka ba kasi naubos na ang mga bungang aratiles na hindi mo tinitigilan do’n?” napangiting tanong ni Lupe.

“Alam mo ‘yan ang gusto ko sa’yo eh, kapag pinagtatawanan mo ang problema ko! Pero seryos­o ha, kasi kailangan kong alamin ang misteryong bumabalot sa bahay na ‘yon!”

“Misteryo? Ang tagal mo nang nag-oober da bakod sa bahay na ‘yon ngayon ka pa talaga naging interesado sa misteryo ng bahay na ‘yon?”

Para makumbinsi ang kaibigan ay ikinuwento ni Ligaya ang nangyari sa kanya at ang nakitang lalaki sa main door ng bahay.

“Teka ha, so sinasabi mo bang may multong nagpakita sa’yo?”

“Hindi ko nga alam kung multo o tao na nana­nakot lang, kaya nga gusto kong alamin ang totoo!”

“Pa’no?”

“E ‘di samahan mo ako, pasukin natin ‘yung bahay, por pabor?” nanunuyo ang pinaamong mukha ni Ligaya para mapapayag ang bestfriend.

Isinara ni Lupe ang bintana at naupo sa sofa.

“I’m sorry bff, ayokong sumali diyan sa kalokohan mo!”

“Wow, thank you ha bff nga kita, ‘kala ko ba sa hirap at ginhawa ang pagiging bestfriend natin?”(Itutuloy)