Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Huling labas

“Yup, because I want you to see the most beautiful thing na makikita mo sa buong buhay mo!”

“Okay…siguraduhin mo lang ha!”

Mula sa restaurant ay dumiretso si Ligaya sa malaking bahay. Hindi niya kailangang mag-ober da bakod dahil sadyang nakabukas na ang gate.

Namangha siya nang makita ang unang puno ng aratiles na tinawag niya dating Da first. Kinabitan ito ng mga ilaw na nakakorteng salita na PLEASE. Lumakad pa siya at sa ikalawang puno na tinawag niyang Da Second, ang ilaw na nakapalibot naman dito ay nagsasabing MARRY. Isang matamis na ngiti naman ang sumilay sa mga labi niya nang makita ang ikatlo at huling puno ng aratiles na pinangalanan niya Da third, ME ang sinasabi nito at ang higit pang nakapagpaluwang ng ngiti niya ay si Jonas na nakatayo sa tabi ng puno hawak ang singsing na nakapatong sa maliit na box.

“Anong pautot ‘to, ha?”

“Galing sa puso.”

“Ang korni, ang O.A. pero sige keri lang ‘to!”

“At ang sagot mo ay?”

Saglit na nag-isip si Ligaya.

“Talagang ginamit mo ang mga kaibigan kong punong ito, ha!”

“Ligaya, I need your answer.”

“Wait lang, may lakad ka ba? Gusto ko pang mag-moment eh!”

“Kung moment ang gusto mo, do’n tayo sa sofa!” ang nanunuksong bulong ni Jonas.

“A sa sofa! Gusto mo ng NO?”

“Of course not!”

“Okay, ayoko rin naman ng No eh, Yes ako, yes na yes!”

Tuwang-tuwang isinuot ni Jonas ang singsing sa daliri ni Ligaya, saka binuhat ito at isinayaw-sayaw sa ere.

“Ibaba mo nga ako!”

Ibinaba ni Jonas ang dalaga at saka dinampian ng masuyong halik sa labi.

“May sorpresa pa’ko sa’yo!”

“Weh, ‘di nga?”

Kinuha ni Jonas ang isang papel na inipit niya sa likurang damit.

“Titulo ng bahay at lupa na ito!”

Na-shock ang dalaga.

“Mula ngayon titira na ulit ako dito, but this time, hindi na si uncle ang makakasama ko, kundi ang babaeng pinakamamahal ko!”

“A-ako ‘yon, ‘di ba? Ibig bang sabihin…pero pa’no?”

“Kinumbinsi ni Manang ang pinsan niya na ibenta sa akin ang bahay at lupa, at ibigay na sa akin ang titulo maski huhulugan ko pa lang ito, ang suwerte, ‘di ba?”

Ikinawit ni Ligaya ang mga kamay niya sa leeg ng binata.

“Thank you, Jonas, thank you for loving me this way…I love you talaga…”

“Salamat din, sa pangalawang pagkakataong ibinigay mo sa’kin…ikaw talaga ang tunay na Ligaya ng buhay ko…I love you more…and forever…”

Matapos ang kadramahang iyon ay isinayaw nila ang isa’t isa sa saliw ng musikang ang mga puso lang nila ang tanging nakakarinig. Tila nakikiisa naman ang hanging humahalik sa bawat hakbang ng mga paang sigurado na ang patutu­nguhan. Nakikiisa rin ang mga bituin sa kalangitan na ngumingiti ang liwanag na sumesentro sa dalawang pusong nagmamahalan.

Muling dinalaw ni Ligaya si Lualhati sa puntod nito, pero sa pagkakataong ito ay hindi na siya nag-iisa.

“Siguro naman kilala mo na siya Lualhati, siya si Jonas, ‘yung madalas kong ikuwento sa’yo…‘yung nagpaiyak sa’kin dati pero nagpapangiti na sa’kin ngayon…sana happy ka na para sa’ming dalawa, kasi ako sobrang happy ko na!”

“Ako rin Lualhati, sobrang happy ko rin kasi napakasuwerte ko dahil ako ang pag-ibig ng k­akambal mo, sana gabayan mo rin ang pagsasama namin tulad ng paggabay mo kay Ligaya, mula ngayon ikaw na ang angel namin!”

“Actually matagal ko na siyang angel, pero sige maki-angel ka na rin!”

Nang may marinig silang mga kaluskos mula sa kung saan. Nagkatinginan sila. Hinanap nila iyon. Si Jonas ang unang nakakita sa dalawang lovers na gumagawa ng milagro sa likuran ng isang nitso. Tinakpan agad ni Jonas ng kamay niya ang mga mata ni Ligaya.

Nang mula rin sa kung saan ay sumulpot ang isa pang babae at sinugod nito ang dalawang lover.

“Mahal ko, let’s go, exit na tayo!” aya ni Jonas.

“Oo nga, ayoko na ng trouble, tara lets na!” (Wakas)