Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 605

Ika-44 na labas

Napalunok ang dalaga.

“Rick, puwede tumayo ka muna, pag-usapan natin ‘to.”

Tumayo ang binata at kunot-noong humarap sa dalaga.

“I’m sorry, nabigla ba kita, sige kung hindi ka pa handa okay lang, maghihintay pa rin ako.”

“Rick I’m sorry din, hindi pa talaga kasi ako handa, at saka…”

“Saka ano?”

“Naguguluhan kasi ako eh, tutal nag-uusap na lang din tayo ng masinsinan ngayon, siguro kaila­ngan maging tapat tayo sa isa’t isa.

Natahimik si Rick, tila alam na nito ang nais ipahiwatig ng nobya. Subalit hinintay pa rin niya na marinig mula mismo sa bibig nito.

“Patawarin mo ko Rick, pero gusto ko sanang…tayong dalawa ay…tayong dalawa ay…”

“Sige sabihin mo…”

“Maghiwalay muna…”

Napapikit si Rick. Sa mga sandaling iyon ay damang-­dama ni Ligaya ang lungkot ng atmospe­rang bumabalot sa kanila.

“Si Jonas ba ang dahilan?”

“H-hindi…”

“Ligaya ang sabi mo dapat maging tapat tayo sa isa’t isa, bakit nagsisinungaling ka pa rin?”

“Okay sige, sige na, aaminin ko na, noong bu­malik siya sa buhay ko nagsimula na akong maguluhan sa nararamdaman ko, pero maniwala ka hindi ko naman ito ginusto…basta nangyari lang, basta naramdaman ko lang…kung patuloy akong makikipagrelasyon sa’yo, hindi lang ikaw ang niloloko ko pati sarili ko…”

Niyakap ni Rick si Ligaya.

“Ang sakit Ligaya, ang sakit-sakit, akala ko magiging espesyal ang araw na’to, pero ito pala ang araw ng kabiguan ko…pero ‘wag kang mag-alala, makaka-move on din ako…” pagkasabi niyon ay inalis na ni Rick ang mga kamay niya sa dalaga at tuluyan nang lumabas ng bahay.

Napapikit naman si Ligaya kasabay ng pag­patak ng luha. Nang biglang may langaw na dumapo sa ilong niya.

“Ano ba, panira naman ng moment ang langaw na’to!” sabay bugaw dito ng dalaga.

Pagpasok niya sa restaurant ay daig pa niya ang namatayan.

“Oy chef, nagluluksa ka?” bating biro ni Chef Marie habang ginagawa nila ang isang recipe.

“Ha?”

“Manalamin ka nga, mahihirapan maski ang pinakamagaling na pintor na ipinta ka eh, may problema ba?”

“Meron eh, baka nga ito na ang huling araw ng pagpasok ko dito…”

“What? Magre-resign ka, mag-a-abroad ka no?”

“Hindi.”

“E bakit?”

“Break na kami ni Rick.”

“What? Anyare?”

“Mahabang kuwento, pero to make it short, wala na kasing spark eh, wala na ‘yung magic…”

“Okay baka kasi may ibang genie na dumating at inagaw ‘yung magic!”

“Baka nga, malamang…at si Jonas ‘yung genie, ‘yung inagaw niyang magic kay Rick, ginamit niya sa’kin…”

“Speaking of Jonas, alam mo bang papunta siya ng airport ngayon?”

“Ha? ngayon na?”

“Oo, kakasabi ko lang ‘di ba?”

“Teka, diyan ka muna ha, I have to go!”

“Hoy teka, sa’n ka pupunta? Hindi mo man lang ba itatanong kung bakit siya pupunta sa airport?” habol na sigaw ni Chef Marie, pero hindi na siya narinig ng dalaga.

“Dyusko Lord, sana naman po walang traffic, walang anumang aberya, hindi naman po ito tele­serye kaya please sana makarating agad ako sa airport!”

Airport.

Agad hinanap ng mga mata ni Ligaya si Jonas. Para namang sinasadya na agad din niya itong na­kita. Patakbo siyang lumapit dito.

“JONAS!”

Nagulat pa ang binata nang makita siya.

“Ligaya?”

“Jonas, hindi ka puwedeng umalis okay, ano a­alis ka na naman, iiwan mo na naman ako? Ang sabi mo dati dapat pinigilan kita, pero hindi ko ginawa kaya maraming araw, buwan at taon na nasayang para sa ating dalawa, pero ngayon hindi na ako papayag na may masayang pa ulit maski isang minuto, aaminin ko na ikaw talaga ang mahal ko, mas mahal kita kaysa kay Rick kaya binreak ko na siya, ngayong alam mo na, aalis ka pa ba?” walang patlang na litanya ng dalaga.

Napangiti si Jonas bago nagsalita.

“Hindi, hindi ako aalis…”

“Talaga, hindi ka na aalis? Dahil sa pagmamahal mo sa’kin?” (Itutuloy)