Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-43 na labas

Umaga. Araw ng Linggo. Rest day ni Ligaya. Namintana siya at tinanaw ang malaking bahay. Nu’ng naging for rent ito dati ay may umokupa na, pero ngayon ay for sale naman ito. Naisip niya kung wala pang makakabili nito hanggang sa maging sapat ang ipon niya ay siya na mismo ang bibili nito. Oo nga’t naipaayos na niya ang bahay ng mga magulang, pero para sa sarili ay ang malaking bahay na ‘yon ang gusto niyang mabili. Gusto kasi niyang balikan ang alaala ng kabataan nila ng kakambal sa mga puno ng alatires …at aaminin niya, na gusto rin niyang balikan ang mga alaalang nabuo doon kasama si Jonas, kahit pa hindi kagandahan ang mga alaalang ‘yon.

“Hay, bakit ba kasi napakabilis lumipas ng panahon…” aniya sa sarili.

“Anak, iniisip mo na naman ba siya?” alam niyang si Jonas ang tinutukoy ng ina.

“Hindi na’ko magsisinungaling sa inyo ‘nay, naiisip ko siya eh, kahit na ginawa ko na ang tama naiisip ko pa rin siya.”

“Pero naisip mo ba na baka ang ginawa mo, hindi pala iyon ang tama?”

“Kung hindi tama ang mga naging desisyon ko, saan ako nagkamali?”

“Baka sa totoong nararamdaman mo…alam ko mahirap para sa’yo ang talikuran ang isang pagkakaibigang naging pundasyon ng pagmamahalan…pero paano naman kung ‘yung pagmamahal na ‘yon ay pagmamahal lang pala para talaga sa isang matalik na kaibigan, hindi para sa tunay na pag-ibig?”

Napakamot.

“Nay nakapagdesisyon na po ako, ayoko ng maguluhan.”

“Pero iyon ang eksaktong nangyayari sa’yo ngayon, naguguluhan ka pa rin, kasi nga hindi mo sinunod kung ano talaga ang sinasabi niyan!” sabay turo ni Aling Amor sa puso ng anak.

Muling tumanaw sa malaking bahay si Ligaya sabay buntong hininga. Napamaang siya nang mapansin niyang may lalaking nag-ober da bakod sa malaking bahay.

“T-teka, sino ‘yon?”

Naka-hood ang lalaki kaya naman abut-abot ang kaba ni Ligaya. Lumabas siya ng bahay at sinundan iyon. Nag-ober da bakod din siya. Mabuti na lang at nakamaong siya na shorts kaya naging madali sa kanya ang paghakbang at pagtalon sa bakod.

Nakita pa niyang pumasok ang lalaki sa loob. Sinundan pa rin niya ito sa pag-aakalang si Jonas iyon.

Related Posts

“JONAS!” sigaw niya sabay habol dito.

Pagpasok niya sa loob ng bahay ay bumungad sa kanya si Rick. Suot ang t-shirt nitong may hood.

“R-Rick?”

Siyempre nagulat siya dahil hindi si Rick ang inaasahan niya.

“Papunta talaga ko sa inyo, kaso nakita kitang nakapamintana at nakatingin dito sa malaking bahay, mukhang napakalalim nga ng iniisip mo eh, kaya naisip kong kung papasukin ko ‘to siguradong makikita mo ‘ko…”

“Gano’n? Kailangan ba talaga ng ganitong palabas para mapansin kita, ikaw ang boyfriend ko nakalimutan mo na ba?”

“Hindi, pero ayoko ng maging boyfriend mo eh, ayokong maging boyfriend mo lang…”

“A-anong ibig mong sabihin?”

“Look around you, walang laman ang bahay na’to kundi ikaw at ako lang…katulad ng puso ko, tanging ikaw lang ang nilalaman…”

“Hindi ko ma-gets?”

“At dahil alam kong may pitak din sa puso mo ang bahay na’to, dito ko gustong gawin ang isang espesyal na bagay, isang bagay na siyang magiging daan para maging espesyal din ito sa akin.”

Hindi kumibo si Ligaya. Kinuha ni Rick ang small box na nasa bulsa niya at lumuhod sa harapan ng dalaga.

“Rick ano ‘to?”

“Ligaya, will you marry me?”

Natulala ang dalaga. Naumid ang dila.

“Ligaya if you marry me, ang bahay na’to ay magiging bahay na nating dalawa. Handa ko itong bilhin para sa’yo!” (Itutuloy)