Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-42 na labas

“Okay, tapusin na natin ‘to dito, ako na ang humihingi ng sorry dahil nagkamali siya, sa tingin ko kailangan ninyong mag-usap na dalawa at ganoon din kami.”

Sumang-ayon naman ang mag-asawa. Luma­kad sila pakanan samantalang kumaliwa naman ng lakad sina Jonas at Ligaya palayo sa mga tao.

Pumuwesto sila sa isang tagong sulok ng parke.

“Ngayon, tayo na lang dalawa ang nandito, ano ba talaga ang gusto mong sabihin na hindi mo masabi ng harapan?”

“Hindi ko nga masabi ng harapan ‘di ba…”

“Kung hindi mo kayang sabihin ng harapan, ‘wag mo na lang sabihin…kasi ibig lang sabihin no’n na hindi ito nanggaling sa puso mo, kundi dikta lang ng utak mo.”

Huminga ng malalim si Ligaya bago muling nagsalita.

“Okay fine…eto na, sasabihin ko na…ano kasi…”

Hinawakan ni Jonas ang magkabilang pisngi ni Ligaya at tinitigan ito sa mga mata.

“Nakikinig ako…”

Napapikit si Ligaya at saka nagsalita…“U-umalis ka na ulit sa buhay ko…”

Parang kutsilyo iyong itinarak sa puso ni Jonas. Pero kahit sinabi iyon ng dalaga na hindi makatingin sa mga mata niya ay tatanggapin pa rin niya, kung ito ang nais nitong mangyari.

Marahan niyang binitiwan ang dalaga at mabibigat ang mga paang humakbang palayo.

Nanatiling nakapikit si Ligaya at hindi tumitinag sa pagkakatayo.

“Okay lang ‘yan Ligaya…okay lang ‘yan…iyan ang dapat mangyari…‘wag kang gagalaw, ‘wag kang lilingon…”

Nilingon pa ni Jonas ang dalaga na nanatiling naka-freeze sa puwesto nito.

Ang mga sumunod na araw at gabi ay lalong nakapagpadama kay Ligaya ng kalungkutan. Dinalaw siya ni Rick sa apartment niya.

“Good news Ligaya! Gawa na ang branch natin sa Laguna kaya naman mapapalapit ka na ulit sa family mo, susunod rin naman ako do’n, may mga kailangan lang akong ayusin dito sa Manila kaya pansamantala muna tayong magkakahiwalay, so good luck to us!” sabay halik ni Rick sa pisngi ng nobya.

“Okay…”

“‘Yan lang ang comment mo, okay?”

Tumayo si Ligaya at nagsalin ng tubig sa baso saka uminom.

“Pasensya na masama kasi ang pakiramdam ko…”

Tumayo rin si Rick at hinipo ang noo at leeg niya.

“Hindi ka naman mainit, pero kung masama talaga ang pakiramdam mo mabuti pa magpahi­nga ka na, uminom ka ng gamot mamaya pagkakain mo, teka may hapunan ka na ba?”

“Meron na, nasa ref, don’t worry kaya ko naman, pagod lang siguro ako sa work kaya medyo hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon…”

“Okay, sige aalis na’ko, call me when you need me okay?”

Tumango ang dalaga.

Sa wakas ay nakalipat na sa Laguna branch si Ligaya. At hindi na lang siya basta chef kundi siya na rin ang tumatayong manager ng restaurant na pag-aari ni Rick. Kasama niyang lumipat sa bagong branch si Chef Marie.

Sa bahay ng mga magulang na niya ulit siya umuuwi. (Itutuloy)