Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-41 na labas

Sinunod ni Ligaya ang payo ni Lupe. Siya mismo ang kumontak kay Jonas para magkita sila at magkausap. Sa Rizal Park niya ito pinapunta. Puno man ng kaba ay kinumbinsi niya ang sarili na ito ang tamang gawin.

Namataan niya ang lalaki na nakatalikod, nakaupo sa isang bench. Mabibigat ang mga hakbang na nilapitan niya ito. Nanatiling nakatalikod ang lalaki.

“Huwag kang haharap ha, kasi baka hindi ko makayang sabihin sa’yo ‘to ng harapan…”
Hindi nga humarap ang lalaki.

“Alam ko hindi mo magugustuhan ang sa­sabihin ko, pero kailangan ko pa ring sabihin…nahihirapan na kasi ako eh…totoo namang minahal kita dati, iniyakan ko pa nga ang pag-alis mo kahit hindi naman tayo…pero dati ‘yon eh…ngayon puwede na lang kitang iyakan, pero hindi na kita puwedeng mahalin…”

Ang madamdaming pagtatapat ni Ligaya.

“Sorry ha, kung sobra akong emosyonal ngayon, kasi ito na ang huling araw na magiging emosyonal ako…kasi ito na ‘yung araw na magpapaalam na’ko sa’yo…hindi ako pupunta sa malayo, hindi ako lalayo, pero kahit nandito lang ako ma­lapit sa’yo, sana ‘wag na kitang makita, sana ‘wag ka ng magparamdam …ayoko ng maging bahagi ka ng buhay ko…para sa ikatatahimik nating lahat…”

Na-cut ang moment ni Ligaya nang tumunog ang cellphone niya.

“Hello Ligaya, pasensya na natrapik ako, pero malapit na’ko!” si Jonas sa kabilang line.

Napatingin si Ligaya sa lalaking nakaupo at natalikod sa bench na siya niyang kinakausap.

Nang biglang may sumabunot kay Ligaya mula sa likuran niya.

“Malandi kang babae ka! May nalalaman ka pang sa ikatatahimik ng lahat, ikaw ang patatahimikin ko ngayon!”

“H-ha? teka, nagkakamali kayo!” pilit tina­tanggal ni Ligaya ang kamay ng babae sa buhok niya.

“Ikaw ang nagkamali ng lalaking nilandi, ka­kalbuhin kita ngayon!”

“Ah kalbuhan ang gusto mo ha sige tingnan natin kung sinong mas magaling mangalbo, barbero yata ang tatay ko!” lumaban na rin ng sabunutan ang dalaga.

Ang lalaking nakaupo naman ay agad tumayo sa upuan at tinangkang umawat habang nagsimula namang maglapitan ang mga usi na kanya-kanyang tutok ng video sa nagsasabunutan. Pero nahirapan ang lalaki na awatin ang mga ito. Mabuti na lang at dumating si Jonas na siya lang nakaawat sa dalawa. Binuhat nito si Ligaya mula sa likuran palayo ng bahagya sa babae.

“J-Jonas?”

Ibinaba ni Jonas ang dalaga.

“Tatanungin mo na naman ba kung anong ginagawa ko rito, ‘di ba pinapunta mo ko?”

“Oo nga pero, bakit ngayon ka lang dumating? A-akala ko kasi ikaw ‘yung…”

“Teka, ano ba talagang nangyari, bakit ka nakikipag­sabunutan?”

Ang babae ang sumagot sa tanong ni Jonas.

“Iyan kasing malandi mong syota, ineemotan ang asawa ko! Kesyo ‘wag na raw magpakita at magparamdam para sa ikatatahimik ng lahat! Bakit may relasyon kayo ano?”

Gulat na gulat si Jonas.

“Sandali lang, mag-e-explain ako! Ang totoo niyan napagkamalan ko lang naman ang dyowa mo!”

Binalingan ni Ligaya ang lalaki.

“Ikaw kasi bakit hindi ka man lang lumingon para nalaman kong hindi ikaw ang dapat kong kausapin, saka bakit ba pareho kayo ng hood!”

“E ‘di ba sabi mo ‘wag akong haharap kasi hindi mo kayang sabihin ng harapan ang sasabihin mo, kaya hindi ako lumingon, itong t-shirt ko naman na may hood regalo sa’kin ‘to ng asawa ko! Saka isa pa naaliw ako sa mga pinagsasasabi mo eh kaya hinayaan lang kita!”

“Ah gano’n, gano’n ha!” sabay hampas ni Ligaya ng bag niya sa lalaki. (Itutuloy)