Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-40 na labas

Pero siguro nga, si Rick naman talaga ang dapat niyang piliin, dahil si Rick ang boyfriend niya…masaya naman sila dati, nu’ng hindi pa buma­balik sa buhay niya si Jonas…pero ngayon parang hindi na…hindi na siya masaya…parang sa isang iglap ay nagbago ang tibok ng puso niya, biglang bumalik sa dating pagtibok nito noong si Jonas pa ang inaasam niya.

Kaya lang sa ngayon ano pa ba ang magagawa niya, kundi sumunod sa pakikipagkasundo niya sa tadhana.

Sa madaling salita pinili niya si Rick at nangako sa sarili na iiwasan na niya si Jonas. Pero paano ba niya gagawin iyon kung palaging pinagkukrus ang landas nila nito?

“Jonas, ikaw na naman?” gulat na tanong ni Ligaya nang makasalubong niya sa supermarket ang binata.

“May sakit si Manang Eva kaya ako muna ang mamimili dito.”

“Talaga?”

“Oo, ang suwerte ko naman dito ka rin pala namimili?”

“Oo…minsan…”

“Buti pa sabay na tayong umikot?”

“H-ha?”

Pumayag si Ligaya sa suggestion ni Jonas. Si Jonas ang nagtulak ng push cart.

“Jonas, ano bang pinagkakaabalahan mo ngayon?”

“Naghahanap ng trabaho, pero sa ibang bansa…doon ko gustong gamitin ang natapos ko…”

“Ha? bakit ayaw mo ba na pakinabangan ka ng bansa natin?”

“Hindi naman sa gano’n…nandoon kasi si uncle, gusto niya na magkasama ulit kami sa Amerika…”

Nalungkot si Ligaya sa sinabing iyon ng binata. Napansin naman iyon ni Jonas.

“O, ba’t ka nalungkot?…JOKE LANG!”

Related Posts

“Ano?”

“Ang sabi ko joke lang!”

“Hindi naman ako nalungkot kahit totoo ‘yon!” bawi ng dalaga.

“Okay, sabi mo eh! Pero ang totoo niyan malapit na’kong mag-umpisa sa trabaho, sa engineering office ng pinsan ko. Hindi pa man ako nakaka-graduate binigyan na niya ako ng offer na mahirap tanggihan.”

“Mabuti naman kung gano’n.”

Akala ni Ligaya ay coincidence lang ang nadadalas na pagkikita nila ni Jonas. Matapos sa supermarket ay nakita rin niya ito sa church, sa bookstore, sa mall at maging sa pamamasyal nila ni Rick sa Rizal Park.

Nakita niya itong nakaupo sa isang bench, tinatakpan ng newspaper ang mukha, ewan niya kung totoong nagbabasa o nagtatago lang. Pero sigurado siyang si Jonas iyon.

Nang umalis si Rick para bumili ng makakain ay nilapitan niya ito.

“Hoy, anong ginagawa mo rito? ‘Wag mong sabihing namamasyal ka rin?”

“E ano pa nga ba ang gagawin ko sa park?”

“Sinusundan mo yata ako eh!”

“Ano naman ang masama kung sundan kita, sinisiguro ko lang na safe ka at saka ginawa mo rin sa’kin to ‘di ba? Hatinggabi pa nga eh!”

Sasagot pa sana si Ligaya pero nakita niyang inaabot na ng tindera ang sukli kay Rick kaya nagmamadali na siyang bumalik sa puwesto nila.

“Grabe BFF, hindi ko na keri ‘to…”

Ka-chat ni Ligaya si Lupe habang nakadapa siya sa higaang kutson.

“Paano mo makekeri kung hindi mo pa tinatapat si Jonas na tigilan ka na niya, na mag-disappear na lang ulit siya sa buhay mo!”

“Kailangan ba talaga harapan kong sabihin ‘yon?”

“Mahirap pero makaka-move on ka rin tulad ng dati!” (Itutuloy)