Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-4 na labas

“Tsk, tsk anak ilang beses ba naming kaila­ngang ipaunawa sa’yo na hindi mo dapat pinanghihimasukan ang problema ng iba lalo na ng mag-asawa?” si Aling Amor.

“E ‘nay magsasawalang-kibo na lang po ba tayo kung may humihingi ng tulong o ng payo? At magsasawalang-kibo na lang din po ba tayo kung may balitang ipinakakalat sa’tin na hindi naman totoo?”

“E hindi nga ba’t totoo naman ang sinabi ni Aling Berta na nilason mo ang aso ni Ka Temyong!”

Saglit na natahimik si Ligaya pero bumawi rin.

“Pa’no ko naman po kasi hindi lalasunin ang aso na ‘yon, ang lakas-lakas tumahol sa gabi, parang laging nakakakita ng aswang, hindi tuloy ako makatulog, saka marami na pong nakagat ang asong ‘yon!”

“Pasalamat ka at walang ebidensyang maiharap si Ka Berta kaya hindi ka nakulong!”

Nilapitan ni Mang Romulo ang anak.

“Hoy Ligaya, ano bang gusto mong palabasin, na palagi kang tama? Kesehodang masangkot kaming pamilya mo o mapahamak ka mismo?” galit ang boses ni Mang Romulo.

Muli ay umalingawngaw ang malakas na boses ni Lusyo mula sa labas ng bahay.

“LIGAYA HUWAG KANG MAGTAGO DIYAN!”

“Amor papasukin mo na sa kuwarto ang anak mo, ako na ang haharap kay Lusyo.”

“Tay!”

“Ligaya!”

“Opo, papasok na,” walang nagawa ang dalaga kundi sumunod, iba na kasi ang tono ng boses ng ama. Hindi na niya keri.

“Jonas, are you okay?” tanong ni Ben sa pamangkin na nakapamintana sa nilipatan nilang bahay.

Related Posts

Nilingon siya ng bente anyos na binata.

“Look around us uncle, sa tingin mo ba magi­ging okay ako rito?”

“Oo naman, maganda ang bahay na ‘to kapag naipa-renovate natin, ang uunahin lang natin ay pataasan ang gate para masiguro natin ang privacy natin dito, ang kaligtasan natin.”

“Uncle, bakit ba kasi kailangan nating pagtaguan ang mga kasosyo mo sa negosyo, may ginawa ka bang masama sa kanila?”

“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo, na-frame up ako, pinagbintangan nila akong naglustay ng pera sa kumpanya.”

“Bakit kasi hindi na lang natin labanan sa korte?”

“Labanan? Alam mo hindi sila mga basta-bastang tao at mabibigat ang mga naitanim nilang ebidensya sa’kin, ayokong makulong!”

“Pero tingin mo ba hindi nila tayo matutunton dito o ng mga pulis? Pa’no na ang pag-aaral ko?”

“Don’t worry Jonas, pansamantala lang ang kalagayan nating ito, magtiwala ka lang sa’kin.” Pagkasabi niyon ay tinalikuran na ni Ben ang pamangkin.

Si Jonas Mendoza ang anak ng nakababatang kapatid na babae ni Ben. Namatay na kasi ang kapatid niya kasama ang asawa sa isang aksidente kaya si Jonas ay napunta sa pangangalaga niya sanggol pa lang ito.

Bumalik si Jonas sa pagtanaw sa paligid. Para sa kanya ang bagong tirahan at kapaligiran nilang ito ay isang bangungot.

“Sa Be! Ang kalilibing lang, si Mang Pedring, unat na unat!” sigaw ni Ligaya habang hawak ang bulilyo ng bingo.

“Yes bingo!” agad namang tugon ni Sol na maluwang ang pagkakangiti.

“Hay ano ba ‘yan puro na’ko eh!” kakamut-kamot sa ulong reklamo ni Rick. Ang isa sa tatlong best friends ni Ligaya.

“Okay lang ‘yan bff, bawi ka na lang sa sunod na bola!” ani Ligaya habang inaalis ang mga panantos sa karton niya ng bingo.

“Ano pa nga ba, lagi naman eh!”

“Psst, Gayang ‘yung isa mo pang bff oh, mukhang problematik na naman.” Pabulong na sabi ni Sol na ang tinutukoy ay ang padating na si Lupe. (Itutuloy)