Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-39 na labas

Manila.

Ilang gabing pinagpupuyatan ni Ligaya ng kakaisip kung sino ba ang dapat niyang piliin sa dalawa. Tama ang nanay niya at ang bff niyang si Lupe. Kailangan niyang pumili sa dalawa agad-agad para hindi na lumala pa ang alitan ng dalawa. Pero kailangan niya ng mga signs.

“Okay Ligaya Magsinop,kung sino ang unang tatawag sa’yo bukas sa kanya ang unang puntos, ang pangalawang puntos ay kung sino ang una niyang makikita, at ang pangatlo at pinakahuling puntos ay mapupunta sa lalaking magsusuot ng kulay pink ngayong araw na’to mismo!”

Kahit papa’no ay na-convince ng dalaga ang sarili.

“Okay na Ligaya, siguro naman oras na para matulog ka!”

Niyakap ni Ligaya ang unan, ipinikit ang mga mata at pinilit makatulog.

Kinabukasan.

Kakalabas lang ni Ligaya sa banyo mula sa pagligo at nakatuwalya pa nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone niya. Kinabahan siya. Excited na malaman kung sino ang unang makakapuntos. Agad niyang dinampot ang cellphone na nasa ibabaw ng kama.

Subalit…

“H-hello po, nay?”

“Anak kumusta ka, nakatulog ka ba kagabi?”

“Opo nay, sobrang himbing po, tinanghali nga po ako ng gising eh!”

Matapos makipag-usap sa ina ay naghanda na si Ligaya para sa pagpasok sa trabaho. Nag-aabang na siya ng taxi nang muling tumunog ang cellphone.

Si Rick ang rumehistro roon.

“Oh no, one point na siya!” sa isip ng dalaga.

“Hello Rick, napatawag ka?”

“Masama bang batiin ko ng good morning ang girlfriend ko?”

“Okay, good morning din boyfie…” walang siglang bati ni Ligaya.

“Baka ma-late ako ng punta sa resto mamaya, may bago kasi tayong client na kailangan kong i-meet.”

“No problem, good luck!”

Pagdating ni Ligaya sa retso ay meron na agad silang unang customer.

“JONAS!”

“O bakit parang nakakita ka ng multo?”

“H-ha? E…bakit kasi ang aga mo, ano bang ginagawa mo rito?”

“Restaurant ‘to, ‘di ba, e ‘di kakain, alangan namang magbi-billiard ako rito?”

Deep inside ay natuwa si Ligaya. One all na kasi ang laban. Isang puntos na lang! Pero blue polo shirt ang suot ni Jonas ngayon, parang imposible namang makita pa niya itong naka-pink ngayong araw, masyado ng coincidence ‘yon! Mabuti pa bigyan niya ng palugit, kahit within this week kung walang magpi-pink sa dalawa ngayong araw na’to! Tama!

“O, bakit napapangiti ka diyan?” nagtatakang tanong ni Jonas nang makitang nakangiti ang dalaga pero hindi naman nakatingin sa kanya.

“Wala lang, sige bye, work na’ko!”

“Teka, o-order pa’ko, ‘yung specialty n’yo rito!” habol na sigaw ni Jonas.

“Chef ako hindi waiter!” habol na sagot rin ni Ligaya habang papasok na sa kitchen.

Hapon na nang dumatimg si Rick sa restaurant. Abala pa si Ligaya sa pagluluto kaya hindi niya ito napansin. Nagulat na lang siya nang bigla siya nitong yakapin mula sa likuran.

“Ay kalabaw!”

Pero mas lalo niyang ikinagulat nang makita niya ang manggas ng suot nitong longsleeve. Humarap siya dito at malinaw pa sa sinag ng araw na pink ang kulay ng longsleeve na suot nito.

“O mukhang gulat na gulat ka sa kaguwapuhan ko ha?” natatawang sabi ni Rick.

“O-oo nga, ang gwapo mo, at ngayon ka lang nag-pink!”

“Oo, nakakagwapo raw talaga sa mga lalaki kapag nag-pink sila, kaya sinubukan ko, mukhang totoo naman, look at you parang gwapong-gwapo ka sa’kin!… actually kamakalawa ko lang nabili ito, nadaanan ko sa mall.”

Hindi makakibo si Ligaya. Pinaglalaruan ba siya ng tadhana? Kulang na lang ay malaglag ang balikat niya sa resulta ng mga signs na hiningi niya. (Itutuloy)