Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-33 na labas

“Sige hugot pa more! Hanapin ko muna si Rick baka puwede siya!”

Lumipas ang mga taon na tanging sa lumang FB account lang nakikita ni Ligaya si Jonas. Hindi na kasi ito active maski sa Twitter at Instagram. Kaya naman sa loob ng apat na taon ay nangulila ang puso ng dalaga.

Matapos naman ang apat na taon sa wakas ay natapos rin ni Jonas ang kursong engineering na nahinto dati dahil sa nangyari sa Uncle Ben niya.

“I’m so proud of you Jonas!” si Manang Eva ang kasama ni Jonas sa graduation dahil sa Amerika muna namalagi ang tiyuhin niya.

“Thank you manang!”

“Anong plano mo ngayon? Sasabak ka na ba ulit sa trabaho?”

“Ahm, sa tingin ko po iyon ang kailangan kong gawin.”

Sa isip ni Jonas, meron pa siyang ibang gustong gawin…ang bumalik sa Laguna…

“Kumusta na kaya siya?…”

Inaya niya si Manang Eva na kumain muna sila sa restaurant bago umuwi.

“Treat ko sa’yo ‘to manang dahil sa pagtitiyaga at pag-aalaga mo sa’kin.”

“Asus, ikaw talaga, puwede namang sa bahay na lang tayo kumain.”

Habang pumipili sa menu ay narinig ni Jonas ang isang pamilyar na boses.

“Nakakahalata na kami sir eh, sa tuwing kakain kayo dito palagi na lang kayo nagrereklamo sa luto at palagi niyo pang ipinatatawag ang chef, at bilang chef masyado niyo na po akong naiinsulto! Puwes for your info lang po hindi namin kailangan ang customer na tulad niyo makakaalis na kayo!”

“E kaya ko lang naman ginagawa ‘yon para magpapansin sa’yo eh, type kasi kita!” sagot ng may edad ng lalaking customer.

“Ah gano’n kaya gano’n na lang kung ipahiya niyo ang mga luto namin sa iba pang customers? Papansin pala ha, e kung ipukpok ko sa’yo itong menu para mapansin mong mali ang ginagawa mo ha!”

Unti-unting napalingon si Jonas sa may-ari ng boses na mula lang sa kabilang table. Gayon na lang ang pagkabigla niya. Ang babaeng gusto niyang balikan sa probinsya! Nanatili ang simpleng hitsura nito bagama’t umusbong ang ganda.

Related Posts

Ang buhok na dati ay tinatangay ng hangin dahil laging nakaladlad, ngayon ay ayos na ayos na nakapusod at natatakpan ng hairnet. Ang mukhang dati ay pulbos lang ngayon ay may bahid na ng make up. At ang higit na lumutang ay ang kasimplehan nito sa pagdadala ng uniporme bilang chef. Isang kagandahan na natatangi sa kanyang paningin.

Gagawin na sana ng chef ang sinabi nang big­lang may pumigil sa braso nito para gawin iyon.

“J-Jonas?” gulat na sabi ni Ligaya. Sa tingin niya ay mas lalong gumuwapo ang binata dahil sa improvement ng pangangatawan nito.

“Hanggang ngayon ba trouble maker ka pa rin?”

Natulala si Ligaya at hindi makapaniwala sa muli nilang pagkikita.

“Teka, sino naman ‘yan?” tanong ng customer.

Hindi sumagot si Ligaya kaya si Jonas na lang ang sumagot dito.

“Ako lang naman ang lalaking uupak sa’yo kapag hindi mo pa tinantanan ang babaeng ito!”

“Okay, aalis na!” sabay tayo ng customer at labas sa resto.

“Ligaya, okay ka lang ba? Kumusta ka na?”

“As of this moment, hindi ako okay…”

“Puwede ba tayong mag-usap after your work?”

“O-okay…sige maiwan ko muna kayo, Manang nice to see you again…”

“Ako rin Ligaya, natutuwa akong makita ka.”

Habang patalikod ay hindi pa rin maka­paniwala ang dalaga. Wala siyang maisip sabihin kanina…napuno ng tensyon ang isip niya.

“Bakit ka pa nagbalik…bakit ngayon pa?…at bakit naman ako pumayag na makipag-usap sa kanya mamaya? Stupid ka talaga Ligaya, hanggang ngayon stupid ka pa rin ba?…” sa isip ng dalaga.

Habang nagluluto tuloy siya sa may kalakihan ding kusina ng ALATIRESTO ay parang lumi­lipad ang utak niya. Laman ng isip ang mga bagay na posible nilang pag-usapan ni Jonas mamaya. Hanggang sa mahiwa na niya ang sariling daliri.

“Ouch!” (Itutuloy)