Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-31 na labas

“Oo naman! Matamis, tulad ng pag-ibig ko.”

“What?”

“I mean ganito katamis akong magmahal sabi ng nanay ko!”

Dumapa si Jonas sa damuhan sa tabi ng dalaga at tinitigan ito.

“‘Yang titig na ‘yan siguradong may ibig sabihin ‘yan eh…” biro ni Ligaya na nanatiling nakahiga.

“Yes…ang ibig sabihin nito ay mami-miss kita…”

“Weh, ‘di nga?”

“It’s true…”

Dumapa rin ang dalaga at kumuha ng isang ala­tires saka isinubo sa binata.

“Kung mami-miss mo ako, e ‘di mami-miss rin kita…”

Ang bawat sulyap ay nagsasabing naniniwala sila sa mga katagang binitiwan ng isa’t isa. At hi­git pa do’n ay naniniwala sila sa ikinukubling damdamin ng mga pusong kapwa nananabik sa tawag ng pag-ibig.

“Ligaya, doon tayo sa loob, sa basement.”

“Ha? ano namang gagawin natin do’n?”

“E ‘di aalalahanin ‘yung mga memories na ginawa natin do’n, ‘yung saya at takot…‘yung excitement…”

Pumayag ang dalaga na bisitahin nilang muli ang basement.

“Ito na siguro ang huling beses na bababa ako dito kasama ka.” Si Jonas.

Related Posts

“Bakit naman?”

“Kasi nga aalis na kami ‘di ba?”

Naupo sa sofa si Jonas.

“Sa sofang ito natuto akong magbaraha!” pag-alala nito.

“Sa sofang ‘yan, ilang beses mo akong natalo sa pitik-bulag!” si Ligaya naman.

“Sa sofang ito, tumulo ang laway mo!” si Jonas ulit.

“Sa sofang ‘yan tayo nag-away!”

“At sa sofang ito rin tayo nagkasundo.”

“Sa sofang ‘yan, nabuo ang takot, saya at pagka­kaibigan…”

Inabot ni Jonas ang kamay ni Ligaya at hinila ito paupo sa sofa.

“Gusto mo bang dagdagan ang memories ng sofang ito?”

Napalunok ang dalaga. Hindi siya makasagot. Tila tumigil ang mundo sa pag-inog nang ilapit ni Jonas ang mukha sa kanya. Palapit nang palapit.

Nataranta si Ligaya dahil hindi siya sure kung fresh pa ang hininga niya. Pero mukhang desidido ang binata na gawin ang nais.

“Natatakot ka ba?” pabulong na tanong ni Jonas.

Umiling ang dalaga. Kaya naman ipinag­patuloy ni Jonas ang paglapit ng mukha niya sa mukha ni Ligaya hanggang sa ang unang halik ay dumampi sa mga labing naghihintay.

Ang dampi ay naging mariin, naging maalab, hanggang sa ang apoy ay tuluyang magdingas. Ang dingas ay tuluyang nagpasiklab sa mga nagbabagang damdamin nang ang katawan ay mahubdan ng kasuotan. Dinadama ang bawat haplos ng pag-ibig. Hinahayaang umapaw mula sa kanilang mapupusok na puso ang alon ng pagmamahal.

“J-Jonas…” napapikit si Ligaya. Tumututol ang isip niya subalit sinasangga iyon ng pagsang-ayon ng kanyang puso.

Tuluyang inihiga ni Jonas ang dalaga sa sofang iyon at ipinagpatuloy ang kaluwalhatiang hatid ng pag-ibig. Bawat yakap, bawat halik, bawat indayog ng katawan ay sumasabay sa saliw ng musikang silang dalawa lang ang nakakarinig. (Itutuloy)