Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-30 na labas

Culinary school.

“Hoy Ligaya, ano bang iniisip mo, may naka-ready ka na bang recipe para mamaya?” tanong ni Mildred na tinabig ang braso ni Ligaya. Nakapa­ngalumbaba kasi ito sa table nila sa loob ng classroom. Si Mildred na may lihim na inis sa dalaga.

“Meron na, may iniisip lang ako…”

“Ano?… or sino?”

“Isang tao na bago lang sa buhay ko pero parang ang tagal ko na siyang kilala…” pagkasabi niyon ay isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ng dalaga.

“Hay naku, ang tawag diyan, inlove, diyan ka na nga hmp!” iniwan na ni Mildred si Ligaya na tila hindi natinag sa pagkakangiti. Hindi naman napansin ni Ligaya na nalaglag ang recipe niya at patay malisya itong pinulot ni Mildred.

Matapos ang presentasyon ng mga original recipe ng mga dessert ay inabangan ni Ligaya si Mildred sa harap ng gate ng school.

“Hoy Mildred pa’no napunta sa’yo ang recipe ko at iyon pa talaga ang prinesent mo kanina! Ako pa tuloy ang nagmukhang copy cat!”

“Excuse me, akin ang recipe na ‘yon!”

“Sa’yo? Gusto mo yatang makatikim ng recipe na hindi mo pa natitikman sa tanang buhay mo eh!”

“Anong recipe naman ‘yan?”

“Recipe ng pinakamalakas kong suntok!” sabay upak ni Ligaya sa mukha ng kaklase.

Gumanti ito at nauwi sila sa pagsasabunutan. May mga kaibigan ni Ligaya at ganoon din ni Mildred na nakialam at nakihalo sa pagsasabong ng dalawa. Umentra rin ang bf ni Mildred.

Pero ang hindi inaasahan ni Ligaya ay ang pag-eksena ni Jonas sa gulong iyon. Inupakan rin nito ang nakialam na bf ni Mildred hanggang sa maglabu-labo na sila.

“JONAS THANK YOU!” Sigaw ni Ligaya sabay sabunot ulit kay Mildred.

“Your welcome!’ sigaw rin ni Jonas sabay suntok rin sa bf ni Mildred.

Natapos lang ang kaguluhan nang awatin sila ng mga guwardiya ng school.

Ang ending…

“Pare-pareho kaming suspended, unfair ‘yon kasi kundi naman ninakaw ng Mildred na ‘yon ang recipe ko hindi sana mangyayari ‘yon…” pagmamaktol ni Ligaya habang magkasabay silang naglalakad ni Jonas pauwi.

“Hayaan mo na, ‘wag ka na lang ulit makiki­pagbasag-ulo.”

“Hindi naman basag-ulo ‘yon, sabunot ulo lang!” biro ng dalaga.

Saglit na naghari ang katahimikan.

“Teka Jonas bakit ka nga pala biglang sumulpot do’n?”

“Pinuntahan talaga kita, kasi gusto ko sanang magpaalam sa’yo.”

“M-magpaalam?”

“Yup… babalik na kasi kami sa Manila, one week from now…”

“Next week na agad? As in doon na ulit kayo titira?”

“Yeah… kailangan eh…”

Pareho silang nakadama ng lungkot sa mga sandaling ‘yon.

“Pero bago ako umalis may gusto akong gawin… with you…”

“Naku ano na naman ‘yan ha? ayoko na ng trouble!”

“Hindi, tara!”

Napangiti si Ligaya nang sa muling pagkakataon ay hawakan ni Jonas ang kamay niya.

Sa malaking bahay, inhanda ni Jonas ang pamingwit ng mga aratiles.

“Alam mo Jonas no need na ‘yan eh, keri kong akyatin ‘yan, buti pa pulutin mo na lang ang mga ilalaglag ko!”

“Mas okay na itong pamingwit, iwas disgras­ya!”

Sinunod ni Ligaya ang binata. Siya ang naghawak ng pamingwit pero kapag may itinuturo si Jonas na bunga ay nahahawakan rin nito ang pamingwit maging ang kamay niya. Kaya naman kilig-kiligan siya.

Nang makarami na sila ng aratiles ay magkatabi silang nahiga sa damuhan habang kumakain nito.

“Masarap pala talaga ‘to,” Ani Jonas. (Itutuloy)